ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

14-anyos na ‘pasingit boy,’ patay nang masagasaan ng truck sa Tondo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Natagpuan na lamang ng mga kamag-anak na nakahandusay at wala nang buhay ang isang 14-anyos na binatilyo na nagulungan ng trailer truck sa Tondo, Maynila, nitong Martes ng gabi.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Jason Sedeño, isa raw "pasingit boy," na nasagasaan sa Road 10 sa Tondo.

Ayon sa ulat, ang mga "pasingit boys" ang tawag sa mga pilit na nag-aayos ng daloy ng trapiko kapalit ang mga barya, na kung minsan ay inaakyat pa ang mga dumaraang truck.

Ayon sa mga kaanak, hinarang daw ni Sedeño ang truck bago ito pumasok ng Pier 16 para maghingi ng barya.

"Pagkakarinig po namin, hinarang daw po yata [yung truck], nanghingi po ng limang piso. Ngayon bumaba pa raw po yung driver tapos nu'ng sumakay uli yung driver, diniresto niyang sagasaan yung bata," ayon kay Corazon Petilo, kaanak ng biktima.

Depensa ng driver na si Crisologo Tacliad, hindi raw niya napansin na sumingit sa gilid ng truck ang binatilyo.

Nahaharap si Tacliad na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide at nasa kustodiya na ngayon ng Manila Traffic Bureau. — Jamil Santos/BM, GMA News