ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dagdag P1.50 sa pamasahe sa jeep hihilingin


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Itinutulak ng ilang transport groups ang P1.50 na dagdag-pasahe sa jeepney dahil umano sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Ayon kay Zeny Maranan, pangulo ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association in the Philippines (Fejodap), ihahain ang petisyon sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa darating na linggo. Sinabi ni Maranan na nagkaisa ang mga jeepney drayber at operator sa dagdag-pasahe mula nang pumalo sa P35 kada litro ang presyo ng diesel. Sakaling aprubahan ng LTFRB, magiging P8.50 na ang pinakamababang pamasahe sa jeep. "We promised not to file any petition as long as the price of diesel will remain below the P35.00 per liter mark, but now that diesel price is at P35.90 we have no choice but to ask for an increase," ayon kay Maranan. Nitong nakaraang taon, nagkasundo ang mga jeepney operator na ibaba ang minimum na pamasahe sa P7, mula P7.50 bilang pamasko sa publiko at dahil sa bumababang presyo ng langis. Subalit nitong Mayo, patuloy na tumaas ang presyo ng diesel kung kaya hiniling ng mga grupo ng tsuper ng jeepney na muling gawing P7.50 ang minimum fare. Pumayag noong una ang LTFRB sa pagbabalik ng dating pamasahe sa Metro Manila at Regions III at IV habang itinakda ang pagpapatupad nito noong Hulyo 2. Subalit bago pa man ipatupad ito, inilabas ng Palasyo ang Memorandum Order 132 na nilagdaan ni Executive Secretary Eduardo Ermita kung saan ipinagpaliban ang pagpapatupad ng nakatakda sanang minimum fare. Inatasan ang National Economic Development Authority na pag-aralan ang mungkahi. Samantala, problema rin ng mga may-ari ng bus na bumabiyahe sa probinsya kung ano ang gagawin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Sinabi ni Homer Mercado, pangulo ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (Pboap) na magpatawag ng pagpupulong ng grupo upang humanap ng mga posibleng solusyon dito. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV