Inarestong illegal recruiter sa Maynila, nakatakas dahil sa maluwag umanong seguridad ng mga pulis
Arestado ang isang babaeng umano'y illegal recruiter na nangako ng halos 400 na trabaho sa Japan, ngunit nakatakas din habang nagpapa-medical dahil daw sa maluwag na pagbabantay ng pulisya. Suspetsa ng mga nabiktima, sinadya ang pagpapatakas sa suspek.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Teresita Hasa, may-ari umano ng JAPCOM Training Center at JAPCOM Consultancy and Manpower Recruitment Company sa may T.M. Kalaw Street, Ermita, Maynila.
Hindi pa raw nakakaalis hanggang ngayon ang daan-daang trabahador na mga recruit ni Hasa papuntang Japan.
Nanggaling pa sa Kalinga ang isa sa mga nabiktima ni Hasan, at lumuwas sa Maynila nang marinig na nangangailangan ng 2,000 na manggagawa papunta sa Japan.
Siningil daw siya ni Hasan ng humigit kumulang P40,000 para sa training fee at medical exam.
"Nahiya kami sa mga pamilya namin kasi nangutang kami ng malaking pera para lang dito," sabi ng biktima.
Nangako pa si Hasan ng trabaho sa isang ramen factory para sa isa pang biktima pero hindi pa rin siya nakakaalis matapos ang ilang buwan.
"Sabi niya kasi sa akin, hiring sila. Ang kailangan nila ng 2,000 mahigit. Nahikayat naman ako na bumiyahe mag-isa pumunta ng Maynila," sabi ng isa pang biktima.
Ayon sa mga nabiktima, sila na mismo ang gumawa ng paraan para maaresto si Hasan.
Napagkasunduan ng suspek at ng mga biktima na magkita sa isang mall sa Maynila para ibalik na sa kanila ang kanilang mga passport. Hindi alam ng suspek na may nakaabang nang pulis na dadakip sa kaniya.
Ngunit tila nabalewala ang pagsusumbong ng mga nabiktima.
Habang sinasamahan ng mga pulis ang suspek na magpa-medical, nakatakas ito sa ospital.
"May sumigaw sa likod, pati 'yung guard ng ospital, 'Yung [suspect] niyo tumakbo na', naka-hood, at saka isang lalaki na Arabic. 'Yung babae naka-hood at naka-mask," sabi ni Johnny Tocoyo, biktima.
Sumakay daw ng taxi si Hasan at pinilit nilang habulin, ngunit nakalayo na ito.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga pulis sa Manila Police District Station 5 sa insidente.
Napansin ng mga nabiktima ang umano'y maluwag na seguridad na ibinigay ng pulisya kay Hasan.
Hiningian pa raw sila ng pang-gas ng mga pulis.
"Ang gusto pa nga nila P200, eh P100 lang ibinigay namin. Tapos sabi nila 'Magpakape naman kayo, kain naman tayong itlog', parang hindi tama," sabi pa ni Tocoyo.
Patuloy na hinihingi ng GMA News ang pahayag ng MPD at MPD Station 5. — Jamil Santos/MDM, GMA News