Pagsasanay ng sundalong Pinoy at Kano sinimulan sa Clark
Sinimulan nitong Lunes sa Clark Airbase sa lalawigan ng Pampanga ang taunang military exercises ng Pilipinas at Amerika upang palakasin ang kahandaan sa paglaban sa terorismo. Tinatayang may 6,500 na sundalong Pinoy at Amerikano ang magsasama-sama para sa mga pagsasanay katulad ng mock beach and artillery assaults, helicopter-borne raids at maging sa humanitarian missions. Ang unang pagsasanay sa ilalim ng âTalon Vision" ay sinimulan sa dating base militar ng US sa Clark, Pampanga. Dumating dito ang US transport aircraft, helicopters at F/A-18 Hornet jets mula sa 3rd Marine Expeditionary Unit na nakabase sa Okinawa, Japan. Ayon kay Rommel Rodriguez, Philippine spokesman for the maneuvers, ang amphibious landing exercise na gagawin sa Martes ay sasabayan ng pagdating ng tatlong Navy ships na nakahimpil sa Subic Naval Base. Ang mga pagsasanay ay gagawin lamang sa Luzon at hindi kasama ang Mindanao kung saan ilang ulit nang idinaos ang katulad na military exercises at pagtulong sa intelligence gathering sa paglaban sa mga bandido sa rehiyon mula pa noong 2002. Ang Talon Vision ay binubuo ng 20 uri ng pagsasanay na itinuturing na pinakamalaking military exercises ng RP-US. Tinatayang 5,700 sundalo ng US at 1,300 sundalong Pinoy ang lumahok sa pagsasanay noong 2006. Sa isang pahayag mula sa US Embassy, ang mga sundalo ng RP at US ay magtutulong sa paggawa ng mga paaralan, pagpipintura sa mga silid-aralan at magkakaloob ng libreng serbisyong medical sa mga komunidad. - Fidel Jimenez, GMANews.TV, with AP reports