ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
'INILAWAN SAKA BINARIL'

Lola ni Aldrin Pineda itinangging nadulas ang pulis na nakabaril sa binatilyo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagsisinungaling umano ang pulis-Maynila na nakapaslang sa isang binatilyo sa isang slaughterhouse sa Tondo, Maynila noong Biyernes ng gabi.

Sa panayam sa Dobol B sa News TV, pinabulaanan ng lola ng biktimang si Aldrinne Pineda, 13, ang pahayag ni Police Officer 2 Omar Malinao na nadapa siya kaya aksidenteng pumutok ang baril niya na naging sanhi ng pagkamatay ng binatilyo.

"Sir wala pong katotohanan 'yun sir na sinabi niya pong nadulas. May bata pong nakakita sa kaniya," sabi ni Cora Pineda, lola ng binatilyo, sa panayam.

Ayon sa lola ng biktima, may mga batang nakakita kay Malinao nang paputukan niya si Aldrinne. Nakasuot pa umano noon ng maskara ang pulis.

Nauna nang itinanggi ni Malinao na binaril niya si Aldrinne. Aniya nadulas siya kaya aksidente niyang nakalabit ang gatilyo ng kanyang baril.

Nangyari ang insidente bandang alas-otso ng gabi noong Biyernes habang naglalaro si Aldrinne kasama dalawa niyang kaibigan sa loob ng Vitas Slaughterhouse.

Depensa ni Malinao, nagbabantay siya noon sa lugar nang may nakapasok umano na mga lalaking nagnanakaw ng retasong bakal. Sinaway niya ang mga ito ngunit inasar pa umano siya at pinagbabato. Pinaputukan pa umano siya ng mga lalaki.

Nagtago umano si Malinao at doon niya aksidenteng naiputok ang baril at aksidenteng tinamaan si Aldrinne ng bala.

Pinabulaanan din ito ni Lola Cora.

"At ang sinabi niya na hindi niya sinadyang pagbaril, na 'yun po ay aksidente. Walang katotohanan po 'yun sir. Ang nangyari po nu'n, may kapwa bata po siyang (Aldrin) kasama na ang sabi, inilawan niya (Malinao) pa po ang bata at saka po binaril."

"Ang nangyari po isang putok lang din po 'yung nangyari na 'yun matapos, nagulat na po 'yung magulang ni Aldrin na may putok at biglang tumayo ito at lumabas," pagpapatuloy ng lola.

Hindi rin daw totoo na nagnanakaw ng bakal ang kaniyang apo, ngunit sinabi niyang may nangyayari nang nakawan sa katayan noon pang Disyembre ng nakaraang taon at nito lamang Enero.

Ayon sa lola, sinabi sa kanila ng mga opisyal ng barangay na walang naka-duty na pulis nang mangyari ang insidente.

"Hindi po namin masagot kung ano ang motibo niya at bakit niya binaril ang bata," aniya.

Bukod kay Malinao, may dalawa pang pulis na sinuspinde habang iniimbestigahan ng Manila Police District ang pagkamatay ni Aldrinne. —Jamil Santos/ALG, GMA News