Rep. Beltran nasugatan sa aksidente sa Maynila
Nagtamo ng sugat sa ulo si Anakpawis Rep. Crispin Beltran sa aksidente sa Maynila nitong Martes. Ayon sa ulat ng dzBB radio, pababa na sana ng kanyang Toyota Hi-Ace van ang mambabatas nang mabunggo ang kanyang sasakyan ng isang Ford Everest sports utility vehicle sa Victoria St. kanto ng Juan Luna St. sa Intramuros. Nasaktan din sa aksidente ang tsuper ni Beltran na si Jimmy Miranda. Patungo si Beltran sa isang pagtitipon sa Intramuros nang maganap ang aksidente bandang alas-11 ng umaga. Inimbestigahan ng mga pulis-trapiko ang aksidente at inihahanda ang kasong isasampa laban kay Ferdinand Madrona, ang nagmamaneho ng Ford Everest SUV na may commemorative na plakang 0770. Kaagad na isinugod si Beltran at tsuper nito sa Philippine General Hospital kung saan lumabas sa isinagawang X-ray at CT scans na hindi naman malubha ang mga sugat na natamo sa aksidente. Sa isang pahayag matapos ang aksidente, hiniling ng pamilya ni Beltran na ipagdasal ng publiko ang mambabatas na diumanoây maayos naman ang kalagayan. "He was awake and conscious and was fully able to answer the queries of the doctor and nurses who gave him medical attention when he was rushed to the Philippine General Hospital (PGH),"ayon sa pahayag. Nagtamo ng sugat at pasa sa ulo si Beltran habang patuloy din ang pagdugo ng kanyang ilong sanhi ng pagtama niya sa bintana sa passenger side ng sasakyan. Inireklamo ni Miranda ang pananakit ng kanyang baywang at balikat. Ang 74-taon gulang na mambabatas ay mayroong high blood pressure, sakit sa puso, at diabetes subalit nananatiling aktibo sa Kongreso. Nitong nakaraang linggo lamang ay idinawit ni Beltran ang isang opisyal sa partido ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nagtangkang suhulan siya ng P2 milyon kapalit ng pag-endorso sa diumanoây mahinang impeachment complaint laban sa Pangulo. Ayon sa anak ni Beltran na si Ofelia Balleta, masyado pang maaga upang isiping sinadya ang naganap na aksidente sa kanyang ama. Kung siya ang tatanungin, tila pangkaraniwang aksidente lamang diumano ang naganap. "In any case, we are waiting for the results of the police investigation. This is the first time that my father figured in a vehicular accident this serious. We hope that this accident does not worsen his heart condition. We ask everyone to pray for his immediate recovery," pahayag ni Ofelia. Samantala, hindi na makapaghintay si Rep. Beltran na makabalik sa kanyang dating kalusugan sapagkat ayaw niyang mahuli sa anumang mangyayari sa eskandalong kinasasangkutan ni Malacañang tungkol sa alegasyon ng panunuhol. "I want to recover as soon as I can and get back to work. This is a pretty inconvenient time to be laid up in bed hospitalized. I don't want to be confined for a long time again. I was cooped up in a hospital room for more than a year," ayon kay Beltran na pinatutungkulan ang 16 na buwan niyang pagkakadetine dahil sa maling akusasyon ng rebelyon. Isinailalim sa hospital arrest ang mambabatas sa Philippine Heart Center bago siya pinakawalan noong Hulyo nang ibasura ng Korte Suprema ang mga kasong inihain laban sa kanya at lima pang kongresista na tinawag na âBatasan 6.â - - Mark J. Ubalde, GMANews.TV