ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kaso ng 4 na 'Magdalo' sa Oakwood mutiny ibinasura


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ibinasura na ng military court nitong Miyerkules ang kaso laban sa apat na junior officers na nadawit sa bigong July 2003 Oakwood mutiny dahil sa kakulangan ng ebidensya. Subalit dalawa lamang sa mga ito ang pinabalik muli sa “full active duty status." Kabilang sa mga pinawalang-sala sa paglabag ng Articles of War 68 (failure to suppress mutiny) at 96 (conduct unbecoming an officer and gentleman) sina Capt. Francis Balan, 1Lt. Engelbert Gay, 2Lt. Aldrin Baldonado ng Philippine Army at Navy Ensign Ronald Paras. Sa pagbabasura sa kaso, kinatigan ni Brig. Gen. Nathaniel Legaspi ng military court ang mosyon ni Lt. Col. Pedro Herrera-Davila, chief military prosecutor. "The motion of the prosecution is granted (But) on account of having gone AWOL (absent without official leave) and conspiring with destabilizers, accused Baldonado and Gay will be prosecuted for a different offense, before a different court by the Army," pahayag ni Legaspi. Samantala, hindi pa makababalik sa aktibong serbisyo sina Baldonado at Gay dahil ayon sa korte, kailangan munang malinis sila sa iba pang kinahaharap na kaso. Subalit hindi pa malinaw kung ano ang sinasabing kaso ng mga opisyal. "Accused Balan and Paras will be issued order for resumption of duty after administrative processing and check-up and other standard administrative procedures of the AFP(Armed Forces of the Philippines)," sinabi ni Legaspi sa pagbasa ng desisyon ng korte sa mosyon ng prosekusyon. Batay sa records, nag-AWOL sina Baldonado at Gay ilang buwan bago sila –at tatlo pang Magdalo officers na tumakas sa detensyon—nahuli ng gobyerno noong Hulyo ng nakaraang taon sa isang subdivision sa Quezon City. Bago arestuhin ang mga opisyal, plano nila diumanong guluhin ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Bukod sa dalawang opisyal, inaresto din sina Army Capt. Nathaniel Rabonza, 1st Lieutenant Sonny Sarmiento at 1st Lt. Patricio Bumidang. Ang tatlo ay nauna nang pumuga sa kulungan noong Enero 2006 kasama si 1Lt. Lawrence San Juan na inaresto naman nang sumunod na buwan. Kinasuhan sina Baldonado, Balan, Paras at Gay hindi dahil sa kanilang pagdalo sa July 27, 2003 siege sa Oakwood Premiere suites sa Makati City kundi dahil kabilang sila sa master list ng miyembro ng Magdalo sa militar. Ang nasabing listahan ay nakatala sa isang computer diskette na diumano’y nakuha matapos wakasan ng mga sundalo ang pag-okupa sa Oakwood hotel. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV