Lalaking hinuli dahil nambato umano ng bote sa simbahan, itinangging siya ang may sala
Hinuli ngunit pinalaya rin nitong Miyerkules ang isang lalaki na itinuro sa pamamato ng bote sa bintana ng isang simbahan sa Barangay Batasan Hills, Quezon City.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa Balitanghali, kinilala ang suspek bilang si Ramon Erro na isa sa mga nag-iinuman sa labas ng simbahan nang mangyari ang insidente.
Walang nasaktan sa mga bata at matandang nagsisimba pero nagreklamo sa pulis ang pastor na si Jun Sio.
Pababa raw siya ng hagdan nang marinig niya ang malakas na pagbasag ng bintana at pagbagsak ng bote na tumama sa drum set.
"Malakas po, kasi 'yung bote na basag, tumama rin po du'n sa cymbals nu'ng drums," sabi niya.
Namukhaan si Erro ng isang saksi at kaagad itong inaresto ng mga awtoridad.
"Pagsilip ng aming kapatid du'n sa bintana, sila ang... na nag-iinuman. Wala naman pong ibang gagawa nu'n kundi sila nanakot," dagdag ni Sio.
Ayon sa pulisya, hindi raw deretsong maituro ng complainant si Erro kaya iniutos silang mag-usap nalang sa barangay.
Sa kasunduan, pinalaya si Erro pagkatapos nitong mangako na tulungan ang complainant na ituro ang isang alyas "Adrian" na siya raw ang naghagis ng bote. — Margaret Claire Layug/MDM, GMA News