Erap binigyan ng executive clemency, makalalaya na
Makalalaya na si dating Pangulong Joseph Estrada matapos ilabas ng Malacañang nitong Huwebes ang executive clemency na pinirmahan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Ang pagkaloob ng kapatawaran kay Estrada ay iginawad ni Arroyo sa kabila ng pagtutol ng mga abogado ng pamahalaan na nagsulong sa kasong pandarambong laban sa pinatalsik na pangulo noong 2001 people power revolt. Sa press conference sa Malacanang, binasa ni Press Secretary Ignacio Bunye ang kautusan na pinirmahan ni Gng Arroyo nitong Huwebes ng hapon, ilang oras lamang matapos irekomenda ni acting Justice Secretary Agnes Devanadera ang pagbibigay ng kapatawaran sa dating pangulo. Bagama't inaasahan na ang paggawad ng pardon kay Estrada, marami pa ring nagulat sa bilis ng paglabas ng pagpirma ng kautusan ni Pangulong Arroyo. Bago inilabas ang kautusan, sinabi ni Jose "Joey" de Venecia III sa pagnidig ng Senado na tinanong ni Arroyo si dating Kalihim Romulo Neri ng National Economic and Development Authority (NEDA) kung bakit hindi nito tinanggap ang P200-milyong suhol na inialok umano ni dating Commission on Elections chairman Benjamin Abalos. Nang sumagot si Neri na hindi siya ang klase ng tao na tumatanggap ng suhol, sinabi umano ni Arroyo na huwag tanggapin ang pera subalit aprubahan ang national broadband network project para sa Zhong Xing Telecommunications Equipment Corp. ng China. Ayon din kay De Venecia, anak ni House Speaker Jose de Venecia Jr, may nakalaang $70 milyon para kay Unang Ginoo Jose Miguel Arroyo sa pag-aktong "coach" para makuha ng ZTE ang kontrata sa NBN project. Sa kautusang inilabas ng Malacanang, nakapirma rin si Bunye bilang acting executive secretary habang nasa ibang bansa si Executive Secretary Eduardo Ermita. Sinabi ni Bunye na patakaran ng administrasyon na palayain ang mga bilanggo na nasa edad 70, at bukod pa rito, nakulong na si Estrada nang mahigit anim na taon habang dinidinig ang kanyang kaso sa Sandiganbayan. Binigyang-diin pa ni Bunye na hindi na interesado si Estrada na tumakbo sa halalan batay sa isinasaad sa kanyang aplikasyon sa pardon. Ang nilalaman ng kautusan: "Whereas, this administration has the policy of releasing inmates who have reached the age of 70; "Whereas, Joseph Ejercito Estrada has been under detention for six year and a half years; "Whereas, Joseph Ejercito Estrada has publicly committed to no longer seek any elective position or office; "In view hereof in pursuant of the authority conferred upon me by the Constitution, I hereby grant Executive clemency to Joseph Ejercito Estrada, convicted by the Sandiganbayan of plunder and imposed a penalty of reclusion perpetua. He is hereby restored to his civil and political rights." Sa panayam ng mamamahayag, sinabi ni Bunye na malaya nang makalalabas si Estrada sa kanyang resthouse sa Tanay sa Biyernes kapag tinanggap ng dating pangulo ang kundisyon sa executive clemency na patuloy ang pagbawi ng pamahalaan sa mga napatunayang nakaw na yaman katulad ng P545-milyong deposito galing sa jueteng at ang tinatawag na Boracay mansion sa New Manila, Quezon City. Ihahatid ni Interior Secretary Ronaldo Puno sa Biyernes (9 a.m.) kay Estrada ang kopya ng kautusan ni Gng Arroyo. "If the President accepts the pardon, then the papers will be formally transmitted by Secretary Puno to the Sandiganbayan," paliwanag ni Bunye. Nitong Lunes, ipinadala ng kampo ni Estrada ang aplikasyon upang humingi ng kapatawaran sa Malacanang. Sa sumunod na araw (Martes), binawi ni Estrada ang inihaing apela sa desisyon ng Sandiganbayan noong Setyembre 12 na nagpataw sa kanya ng parusang habangbuhay na pagkakulong na aabot hanggang 40 taon. Ilang oras bago ihayag ni Bunye ang pagkakaloob ng pardon kay Estrada, kinuwestyon ni government prosecutor Dennis Villa-Ignacio ang legalidad sa ginawang pag-endorso ng Department of Justice sa application for pardon ng dating pangulo. Sa sulat na ibinigay ni Villa-Ignacio kay Devanadera, nakasaad sa Section 19, Article VII ng 1987 Constitution, na diskwalipikado si Estrada na humingi ng pardon dahil dumaaan ito sa impeachment sa Kamara de Representantes noong Nobyembre 13, 2000. Bagaman hindi umano nahatulan ng Senado si Estrada dahil sa naganap na walkout sa impeachment trial, iginiit ni Villa-Ignacio na umiiral pa rin ang Sec. 19, Art. VII dahil malinaw na nakasaad dito ang katagang âimpeachment" at hindi âconviction." Idinagdag ni Villa-Ignacio na wala rin umanong kaugnayan ang edad ni Estrada (70-anyos) sa pagkakaloob ng pardon dahil ang "overriding consideration for the grant of pardon has always been rehabilitative factor and remorse on the part of the convicted offender." - Fidel Jimenez, GMANews.TV