Dagdag pasahe, malaking tulong daw sa mga jeepney driver
Laking pasalamat ng mga jeepney driver dahil inaprubahan na ng LTFRB ang hiling na pisong provisional fare increase, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita.
Mula eight pesos, magiging nine pesos na ang minimum fare sa pampasaherong jeep sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA.
Inaprubahan ang provisional increase kagabi at magiging epektibo kapag nalabas na ng ahensya ang opisyal na kautusan. Inaasahan ito ngayong araw.
Sa mga jeepney driver, malaking bagay ang pisong dagdag sa minimum fare, mula P600 na kita sa maghapong biyahe, madadagdagan ito ng P100 hanggang P200 kada ara,
"Malaking tulong yan kasi lumiit kita namin dahil sa traffic at ang taas pa ng gasolina," sabi ni Edwin Gallacinao, drayber ng jeepney.
Ayon kay Santos Estrada, sana daw pati succeeding kilometer itaas na din dahil 'yung biyahe niya lumalagpas sa minimum fare.
Hindi naman tutol ang mga pasahero sa pagtass ng minimum fare ng jeep, dahil nakikita kasi nila ang hirap ng mga tsuper sa pagpasada. — BAP, GMA News