Solusyon sa pagtaas ng presyo ng langis hahanapin
Magsasagawa ng pagdinig ang Senate committee on trade and commerce upang humanap ng solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan na inaasahang magkakaroon ng epekto sa ekonomiya ng bansa. Sa inihaing resolusyon (Senate Resolution No. 180), nais malaman ni Sen Mar Roxas, tagapangulo ng trade and commerce committee, kung ano ang mga mga paghahandang ginagawa ng pamahalaan kaugnay sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa halaga ng mga pangunahing bilihin. Sinabi ni Roxas na ipatatawag nila sa Senado ang mga pangunahing pinuno ng pamahalaan na may kaugnayan sa nasabing usapin. âOil, for better or worse, remains an essential part of our lives, and the government needs to do all it can to ensure that the people are shielded from even more severe economic pressures," paliwanag ng senador nitong Martes. Nangangamba rin si Roxas na ang napanibagong tensyon sa Middle East ay makaapekto sa supply ng langis sa bansa. âThis is not a situation where we can just sit and wait, hoping for stable oil prices. Letâs work on a concrete action plan that consumers and the private sector can support and follow in case of more external shocks to our economy," pahayag niya. Sa taong ito, tinatayang 14 na ulit nagtaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Naniniwala naman si Roxas na makababawas sa bigat ng presyo ng mga bilihin ang patuloy na paglakas ng piso kontra dolyar. Nitong Miyerkules, nagsara ang palitan sa P43.67 - $1, ang pinakamataas sa nakalipas na pitong taon. "The government should come up with adequate safety nets in case of more oil price hikes," ayon sa senador. Nitong Oktubre 20, ang presyo ng mga produktong petrolyo ay nagkakahalaga ng P42.45 per liter (L) sa gasolina, P36.95/L sa diesel, P37.99/L sa kerosene at P529.14 sa bawat 11-kilogram cylinder ng liquefied petroleum gas o LPG. Ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan ay pumalo sa pinakamataas na $93 per barrel sa linggong ito. - Fidel Jimenez, GMANews.TV