Hustisya pa rin ang hanap ng anak ni Nida Blanca
Umaasa pa rin ang anak ni Nida Blanca na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang ina kahit pumanaw na ang pangunahing suspek sa kaso na si Rod Strunk, dating asawa ng pumanaw na aktres. Sa ulat ng QTV News Balitanghali nitong Miyerkules, sinabi ni Kaye Torres, anak ni Blanca, dalawa pang malaking personalidad ang pinaniniwalaang may kinalaman sa kaso at nananatiling malaya. Tumanggi si Torres na pangalanan ang dalawang personalidad ngunit naniniwala umano ang kanyang pamilya na hindi magagawa ni Strunk ang krimen na mag-isa. "Hustisya pa rin ang isinisigaw ng mommy ko. Alam ng lahat hindi ito (ginawa lang) ng isang tao," deklara ni Torres. Matatandaan na nakita ang duguang bangkay ni Blanca, Dorothy Jones sa tunay na buhay, sa loob ng kanyang kotse habang nakaparada sa Atlanta Centre building noong Nov. 7, 2001. Bukod kay Strunk, nadawit sa krimen si Philip Medel Jr. na nakakulong ngayon habang dinidinig ang kaso. Una rito, inamin ni Medel ang partisipasyon sa pagpatay kay Blanca ngunit pagkalipas ng mga araw ay binawi rin niya ang mga pahayag. Tinukoy ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Strunk ang utak sa krimen ngunit nakalipad na ito sa US bago pa man maihain ang arrest warrant. Noong Hulyo ng taong kasalukuyan, namatay si Strunk matapos tumalon umano sa tinutuluyan nitong hotel sa California. - Fidel Jimenez, GMANews.TV