Mahigit 50 suspek, arestado sa operasyon ng mga pulis sa Pasay City
Arestado ang mahigit limampung suspek sa mga operasyong sabay-sabay na ikinasa ng kapulisan kontra-krimen sa Pasay.
Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Linggo, kabilang sa 23 na hinuli kaugnay ng iligal na droga ang barangay tanod na si Reymar Reyes.
May nagtimbre umano sa pulisya tungkol sa iligal na gawain ni Reyes at nakumpiska ang ilang iligal na droga sa kanyang bulsa.
Pangmomolestiya naman ng bata ang dahilan kung bakit inaresto ang suspek na si Joel Salcedo.
Hindi na niya itinanggi ang krimen na na-hulicam sa CCTV.
Lima ang naaresto dahil sa magkakahiwalay na kaso ng illegal gambling, illegal possession of firearm, at physical injury.
Dalawampu't walo naman ang dinampot dahil sa paglabag sa ilan pang city ordinance. — Dona Magsino/BM, GMA News