ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Miyembro ng notoryus na sindikato patay sa sagupaan vs. pulis-Makati


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Napatay sa engkuwentro ang isang lalaking sinasabing miyembro ng Manite drug syndicate sa Makati City, na apat na beses nang isinailalim sa buy-bust operation dahil sa laging nakakatakas at pagiging mailap nito.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali Weekend," kinilala ang suspek sa alyas na "August."

Makikita sa video ng Makati City Police Station Drug Enforcement Unit ang poseur-buyer na nakikipagtransaksyon kay August sa Brgy. West Rembo nitong Sabado ng madaling araw.

Ngunit nakahalata ang suspek na pulis ang kaniyang katransaksyon kaya pinaputukan niya ito pero pumalya ang kaniyang baril.

Dito na sinugod ng pulis ang suspek pero ilang saglit ang lumipas, marahan lamang naglakad ang pulis.

Umalingawngaw na ang mga putok ng baril kaya sumugod ang mga backup na pulis.

"Kinalabit niya 'yung kaniyang baril, akma niyang babarilin 'yung ating poseur-buyer at buti naman hindi pumutok. 'Yung ating poseur buyer ay walang dalang baril and then tumakbo siya, humingi siya ng backup," pahayag ni Police Major Gideon Ines, hepe ng Makati City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU).

Nabili kay August ang P1,000 halaga ng umano'y shabu.

"Kino-consider namin ito na malaking tulak kasi nagbabagsak siya ng illegal drugs dito sa Brgy. West Rembo, sa Brgy. Pitogo at sa iba pang barangay ng Guadalupe at ito rin ay kasama o, dealer ni Norman Manite, 'yung pinakamalaking drug group dito sa south," saad pa ni Major Ines.

Sampung sachet pa ng hinihinalang shabu ang nakuha sa bangkay ni August.

Parokyano ng suspek ang mga dumadayo sa riverside ng barangay, ayon sa SDEU.

"'Yung mga previous na buy bust namin ay talagang nakakatakbo siya at nakakatakas siya kaya mailap talaga siya," pahayag ni Ines.

Patuloy ang paghahanap kay Norman Manite, ang lider ng sindikatong kinabibilangan ni August at may arrest warrant na na inilabas ng korte. —Jamil Santos/LBG, GMA News