ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tensyon sa Makati hotel tapos na; Trillanes, Lim sumuko


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mahigit dalawang oras matapos ang palugit na ibinigay ng Philippine National Police sa grupo nina Senador Antonio Trillanes IV at Brig. Gen. Danilo Lim upang sumuko, nagdesisyon ang grupo ng senador na sumuko upang hindi na makompromiso ang buhay ng mga inosenteng sibilyan sa loob at labas ng Manila Peninsula Hotel sa Makati City nitong Huwebes. Nag-walk out sina Trillanes at Lim sa isang pagdinig sa Makati regional trial court sa kasong coup d’etat laban sa mga rebeldeng sundalong tinatawag ang kanilang grupo na Magdalo na nag-aklas noong ika-27 ng Hulyo 2003. Nagmartsa ang grupo nina Trillanes mula sa korte na nasa J.P. Rizal avenue sa Makati patungong Manila Peninsula Hotel sa panulukan ng Makati Avenue at Ayala Avenue at nanawagan sa pagbibitiw ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Nakiusap din sila sa taong bayan na maghayag ng pagkadismaya at hindi pagsuporta sa pamahalaang Arroyo. Naglabas ng re-arrest warrant ang Makati RTC para sa grupo nina Trillanes. May 14 na miyembro ng Magdalo Group ang sinasabing kasama ng senador na umokupa sa mga conference rooms sa ikatlong palapag ng hotel. Bandang 3:30 ng hapon ay nagpaputok ng warning shots ang assault team ng PNP sa may panulukan ng Ayala at Makati avenue subalit hindi naantig sina Trillanes at nagpahayag na hindi sila susuko habang ipinaglalaban ang kanilang panawagan sa pagbibitiw ni Pangulong Arroyo. May mga armored personnel carrier (APC) at Simba tanks na ipinaligid sa hotel bilang suporta sa mga pulis at sundalo na nakapormang pasukin ang Manila Peninsula upang kuhanin sina Trillanes. Ipinag-utos ni Director Geary Barias, hepe ng PNP National Capital Region Police Office, sa mga tauhan at bisita ng Manila Peninsula Hotel na lisanin ang lugar. Ayon sa ulat ng QTV, sinabi ni Barias na nakipag-usap ang mga pulis sa kampo nina Trillanes at Lim para sa mapayapang pagsuko ng dalawa. Inatasan ni Barias sina Sr. Supt. Jaime Calungsod Jr at Sr. Supt. Geronimo Reside na makipag-usap kina Trillanes at Lim. Sina Calungsod at Reside ay kabilang sa Philippine Military Academy class of 1978 na kumupkop kay Lim, graduate ng West Point sa taon ding iyon, bilang miyembro. Si Lim, na ipinatawag ng korte upang tumestigo sa kasong coup d’etat, ay siya ring tumayong negotiator sa kasagsagan ng Oakwood Mutiny noong ika-27 ng Hulyo 2003 na pinamunuan ni Trillanes. Umaasa si Barias na mapayapang maresulba ang problema, pero sinabi rin nitong handa ang mga pulis na gumamit ng puwersa kung magmamatigas ang grupo ni Trillanes. Dagliang ibinalik si Pangulong Arroyo sa Malacanang mula sa Laguna sakay ng isang helicopter. Nagpatawag siya ng pulong ng Gabinete. Bandang hapon ay sunud-sunod ang pagdating ng mga pulitiko sa Palasyo ng Malacanang upang tiyakin ang kanilang suporta kay Arroyo. - GMANews.TV