Bus, nahulog sa bangin sa Camarines Sur sa kasagsagan ng malakas na ulan
DEL GALLEGO, Camarines Sur - Masuwerteng nakaligtas ang 28 pasahero ng pampasaherong bus na Philtranco matapos itong mahulog sa bangin sa Andaya Highway, Barangay Magais, Del Gallego, Camarines Sur nitong Linggo ng gabi.
Galing sa Pio Duran, Albay ang Philtranco bus at patungo sana sa Maynila nang mangyari ang aksidente alas-onse ng gabi.
Ayon sa report ng Del Gallego Municipal Police Station, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng bus dahilan para dumulas ang gulong sa highway at mahulog sa bangin.
Malakas ang ulan sa lugar dahil sa bagyong Tisoy.

Naging pahirapan ang ginawang rescue operation dahil sa taas ng bangin. Madulas at maputik rin ang pagbaba dito. Winasak ng mga pasahero ang bintana sa likuran ng bus at ang windshield upang makalabas sila.
Ang mga sugatan ay isinugod sa Ragay District Hospital sa Ragay, Camarines Sur.
Dalawang senior citizen na pasahero ng bus ang nagtamo ng grabeng sugat habang ang iba naman ay minor injury lang ang tinamo.
Ilan sa mga nakaligtas ay mga teachers mula sa Bato, Camarines Sur na dadalo sana sa isang convention sa Maynila.
Tumangging humarap on-cam para sa interview ang driver ng bus na si Marlon Borromeo. Ayon sa kanya, sobrang madilim sa lugar at hindi maayos ang mga warning signs sa road reblocking.
Kasalukuyan kasing sumasailalim sa road widening ang highway.
Ang mga sugatang pasahero na dinala sa Ragay District Hospital ay inilipat na sa mas malaking pagamutan sa Naga City.
Wala pang isang linggo ang nakalilipas nang may isang pampasaherong bus ng ALPS The Bus ang nahulog sa parehong lugar kung saan ay walo ang nasugatan. —KG, GMA News