12-anyos naputulan ng daliri dahil sa napulot na whistle bomb
Isang bata sa Apalit, Pampanga ang naputulan ng daliri dahil sa napulot na whistle bomb.
Ayon sa ulat sa “QRT”, dinala sa Bulacan Medical Center sa Malolos ang biktimang si Prince Charles Mendoza, 12-anyos.
Kuwento niya, nakita niya ang paputok habang naglalakad kasama ang mga kaibigan.
Hindi niya alam na may sindi pa pala iyon at biglang sumabog sa kanyang kaliwang kamay.
Naputol ang kanyang palasinsingan at sugatan ang kamay.
Sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center naman sa Maynila, may dinalang isang batang sugatan dahil din sa paputok.
Nadaplisan sa kamay ang biktima ng 'di pa tukoy na paputok.
Agad siyang nilapatan ng lunas sa ospital.
Matapos ang Pasko, anim na naputukan ang dinala sa JRRMC— karamihan, dahil sa mga pailaw na lucis at fountain.
Mahigit 50 doktor ng surgery at orthopedic department ng jrrmmc ang naka-duty para sa mga mapuputukan.
Handa rin ang kanilang surgery tools sa mga grabeng kaso.
Sa East Avenue Medical Center, may lima nang dinala dahil sa piccolo mula pa noong December 20.
Dinala rin sa EAMC ang isang batang 10-anyos na taga-Marinduque na nagtamo ng second-degree burns sa mukha dahil sa boga.
Maga rin ang kanyang daanan ng hangin dahil sa usok ng boga.
Naputukan siya nitong araw ng Linggo sa Marinduque at nilapatan muna ng paunang lunas bago nilipat dito sa Quezon City.
Handa naman daw ang ospital sa mga gamot at kagamitan para sa mga mapuputukan.limampung doktor ang naka-duty at sandaan ang naka-standbyhabang on-call ang mga nurse. —NB, GMA News