ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga magsasaka mula sa Bukidnon haharapin daw ni Arroyo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Makikipagpulong si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa mga magsasakang Higaonon mula sa Sumilao, Bukidnon na naglakbay ng 1,700 kilometro patungong Maynila upang iprotesta ang kombersyon ng kanilang lupang sakahin bilang agribusiness park. Sa panayam sa Radyo Veritas (dzRV radio) nitong Huwebes, inihayag ni Fr. Anton Pascual na kumakalinga sa mga magsasaka, magaganap ang pulong sa Lunes ng umaga sa Malacañang. "The latest official information that I received is that President Arroyo is ready to sit down and talk with the Sumilao farmers. The President is inviting the farmers on Monday," pahayag ni Pascual. Ang nasabing impormasyon sa gagawing pulong ay ipinaabot umano ni Presidential Management Staff chief Cerge Remonde. "Remonde said President Arroyo is aware that the Church is actively and closely monitoring this situation so she wants to meet with the Sumilao farmers," idinagdag ni Pascual. Sinabi ni Pascual na 100 porsiyentong sinusuportahan nina Manila Archbishop Gaudencio Rosales at iba pang mga lider ng Simbahang Katoliko ang krusada ng mga magsasaka ng Sumilao. Patuloy umano nilang ipagdarasal ang mga magsasaka upang matamo ang kanilang hinihiling bago sumapit ang Pasko. Iginiit ng mga magsasaka na ang conversion order sa 144-hektaryang lupain na inaprubahan ni dating Executive Secretary Ruben Torres ay dapat bawiin matapos mabigo ang dating may-ari ng lupa na tuparin ang mga kondisyon na nakasaad sa kautusan. May 55 magsasaka ng Sumilao, kabilang na ang ilang kababaihan ang nagmartsa mula sa Bukidnon patungong Maynila sa loob ng dalawang buwan. Inilarawan ni Pascual ang nakatakdang pagkikita ni Gng Arroyo at mga magsasaka bilang magandang balita. "This is what the farmers have been dreaming of, that they meet with the President so they may express their pleas to reclaim ownership over the land," ayon sa pari. Nauna nang ipinag-utos ni Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman ang status quo order sa San Miguel Food Inc. (SMFI), ang kumpanyang bumili ng lupain sa mga Quisumbing. Subalit hindi sakop ng utos na ipatigil ang kasalukuyan nang tinatapos na mga pasilidad sa lupain. Sa dalawang pahinang utos, sinabi ni Pangandaman sa SMFI: "to refrain from further undertaking development activities other than those presently ongoing." Hiniling din ni Pangandaman sa may 150 Sumilao farmers na respetuhin ang pagmamay-ari ng SMFI sa lupain habang pinag-aaralan ang kaso. "With the issuance of this order, we hope that the two contending parties would sit down and try to reach a mutually beneficial resolution," pahayag ng kalihim. Idinagdag nito na, "We are looking at the so-called win-win solution to this matter. Again, I'd like to repeat that this case has just been remanded to us. We'll try to rectify the failure or build on the foundation set by the previous leadership in DAR." Nitong Miyerkules ay nagpaabot ng pagsuporta sa mga Sumilao ang mga dating kalihim ng DA na sina Florencio Abad, Ernesto Garilao at Jose Mari Ponce. - Mark Ubalde, GMANews.TV