ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

52 miyembro ng frat, huli sa Cebu dahil sa paglabag sa social distancing


Huli ang nasa 52 na miyembro ng Alpha Kappa Rho (AKRHO) sa probinsya ng Cebu dahil sa umano'y paglabag ng mga ito sa social distancing na mahigpit pa ring ipinatutupad sa probinsya dahil sa banta ng COVID-19.

Napag-alaman na ang mga ito ay nagdiriwang ng kanilang anibersaryo nitong Sabado.

Sa panayam natin sa hepe ng Minglanilla Police Station na si Police Major William Homoc, bukod sa 52 na AKRHO members na hinuli ay kasali rin nilang dinala sa presinto ang dalawang pulis ng Naga City, Cebu na miyembro rin ng nasabing fraternity.

Ayon kay Homoc, hindi kasali sa mga kinasuhan ng paglabag sa social distancing ang dalawang pulis,  dahil hindi naman daw kabilang ang mga ito sa mga nagkukumpulang AKRHO members.

Pagdating ng mga arresting officers sa lugar ay nasa gate lang daw ang dalawa.

Gayunpaman, dinala pa rin sila sa Minglanilla Police Station para tanungin hingil sa insidente. Hindi man nilabag ng mga ito ang social distancing, pero klaro rin daw na hindi ginawa ng mga ito ang kanilang tungkulin na sana’y suwayin ang mga  lumabag sa batas.

Ang dalawang pulis ay papaliwanagin din sa headquarters ng Cebu Police Provincial Office (CPPO) tungkol sa insidente.

Samantala ang mga nadakip na mga AKRHO members ay agad namang pinakawalan matapos mak piyansa ang mga ito ng P500.

Nangyari  ang insidente  bandang alas 7 ng gabi August 8, sa sSityo Pitogo 1, Barangay Tubod, Minglanilla.

Sinubukan nating kunan ng pahayag ang mismong director ng CPPO na si Police Colonel Roderick Mariano  pero ipinasa niya tayo kay Police Major Homoc. — BM, GMA News