ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

DepEd, ikinabahala ang pagbebenta umano ng mga malalaswang larawan ng mga estudyante kapalit ng pambili ng gadgets


Inihayag ng Department of Education (DepEd) ang pagkabahala nito sa nangyayari umanong bentahan ng mga malalaswang larawan ng mga estudyante kapalit ng pambayad sa kanilang gadgets at internet connection.

Sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Martes, sinabing inilahad ng Philippine Online Student Tambayan (POST), isang online news portal para sa mga estudyante, na kumakalat sa online ang mga maseselang larawan at video ng mga mag-aaral.

Sa una, magbibigay muna umano ang mga estudyante ng freebie o libreng content para ma-market ang sarili nila.

Ngunit kapag dumami na ang kanilang followers, doon na maglalagay ng contact details at payment methods ang ilang mag-aaral at sa private message na sila mag-uusap ng customer.

“Nakakabahalang dahil sa mga suliraning dinudulot ng pandemya, ang ating mga kabataan ay nahaharap sa matinding panganib na maging biktima ng pang-aabuso at karahasan," ani Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Ayon kay Gatchalian, may Christmas bundle pa ng mga larawan at video na ipinagbibili umano sa halagang P150

Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang insidente.

Sinabi naman ng DepEd na makikipagtulungan din ito sa mga awtoridad para mapigilan ito. —Jamil Santos/KG, GMA News