Magsasaka nakalusot sa EDSA Shrine, umalis din ng mapayapa
Hinigpitan ng awtoridad ang pagbabantay sa paligid ng EDSA Shrine sa Mandaluyong City nitong Linggo ng hapon nang makalusot ang isang grupo ng mga magsasaka na magsagawa ng maigsing programa sa makasaysayang lugar. Sa ulat ng dzBB radio, mapayapang tinapos ng mga magsasaka ang kanilang programa dakong 6 pm makaraan ang maigsing komprontasyon sa mga tauhan ng anti-riot police at Special Weapons and Tactics (SWAT). Inatasan ni Mandaluyong City police director Senior Supt. Ericson Velasquez ang kanyang mga tauhan na higpitan pa ang seguridad sa EDSA Shrine na idineklarang âno-rally zone." Inaasahan ang mga protesta ng mga militanteng grupo at kritiko ng administrasyon sa Lunes at Martes bilang paggunita sa Edsa Dos o ikalawang people power revolution at anibersaryo ng Mendiola massacre. Una rito, nagkaroon ng mainit na paliwanagan ang mga magsasaka mula sa Southern Luzon na nagmartsa patungo sa EDSA Shrine at mga pulis na nagbabantay sa lugar. Ilang magpoprotesta rin nagtangkang iladlad sa flyover ng Ortigas ang streamer na may nakasulat na, "Oust Gloria!" ngunit napigilan ito ng mga pulis. Dahil sa komprontasyon ay naabala umano ang isinasagawang misa sa loob ng Shrine, dahilan para magreklamo ang ilang nagsisimba.. - GMANews.TV