ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

72-oras na TRO laban sa harassment sa media ibinaba


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naglabas ng 72-oras na temporary restraining order (TRO) nitong Lunes laban sa gobyerno ang isang hukom ng Makati City upang pigilan ang mga opisyal nito na guluhin ang mga mamamahayag. Ginawa ito matapos ihain ang P10-milyong class suit ng mga mamamahayag laban sa mga nasa likod ng pag-aresto sa mga miyembro ng media noong Nobyembre 29 matapos sakupin ng grupo ng mga sundalong Magdalo ang Peninsula Manila Hotel sa Makati City. Pinangalanan sa kaso sina Justice Secretary Raul Gonzales, Interior Secretary Ronaldo Puno, Defense Secretary Gilbert Teodoro, Armed Forces chief Gen. Hermogenes Esperon, at National Police chief Director General Avelino Razon Jr, at iba pang opisyal ng militar at pulisya. Kabilang sa mga samahan ng mga mamamahayag na nagsampa ng kaso ay ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), at ang Philippine Press Institute (PPI). "The TRO is to prevent the respondents from harassing any member of the media before our petition is raffled off," ayon kay NUJP chairman Jose Torres Jr nitong Lunes. Ibinaba ang TRO ni Judge Winlove Dumayas ng Makati Regional Trial Court branch 59. Nauna nang naghain nitong umaga ng class suit ang mga mamamahayag at media organization laban sa umano’y pagbabanta ng gobyerno sa press freedom. Hiniling din sa isinampang kaso na bigyan ng “preliminary mandatory injunction and/or temporary restraining order" ang patuloy na magbabanta o aaresto sa mga mamamahayag. Sakaling manalo sa kaso, sinabi ni Torres na ang P10 milyon ay mapupunta sa legal defense fund ng media. Inihayag din ni Torres na balak nilang magtungo sa Korte Suprema nitong Lunes at maghain ng motion for prohibition laban kina Gonzalez at Executive Secretary Eduardo Ermita. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV