ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kapitan ng barangay, 16 iba pa arestado sa ilegal na tupada sa Calamba


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa kulungan ang bagsak ng isang kapitan at 16 pang katao na mga nahuli sa magkakahiwalay na operasyon dahil sa pagsasagawa umano ng ilegal na tupada sa Calamba, Laguna.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang habulan sa pagitan ng mga awtoridad at ng 12 katao na nagtangkang tumakas sa ilegal na tupada, na umabot pa hanggang sa tabi ng lawa.

Ayon kay Police Lieutenant Jojo Villamor, hepe ng Calamba Police, matagal na nilang binabantayan ang Barangay Sucol dahil sa mala-guerilla na galawan ng mga suspek kung saan bigla silang magpupulong-pulong para masimulan ang sabong o tupada.

Limang tao pa ang nadakip sa magkahiwalay na operasyon na ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 4A.

Kasama rito ang mismong kapitan ng Barangay Canlubang na si Larry Dimayuga.

Nakuha rin sa kapitan ang isang .9 mm gloc 17 pistol na walang papel.

Sinubukan ng GMA News na kunan ng pahayag si Dimayuga pero sinabi ng kaniyang staff na hindi pa handang magbigay ng panig ang kapitan.

Bukod dito, irerekomenda rin ng CIDG sa Department of the Interior and Local Government na patawan si Dimayuga ng kasong administratibo.

Ikinabahala naman ng DILG ang pagkakasangkot ng barangay captain sa insidente. —Jamil Santos/NB, GMA News