Mga Amerikano pinag-iingat na mabuti sa Pilipinas
Inabisuhan ng pamahalaan ng Estados Unidos nitong Huwebes ang kanilang mga mamamayan sa pagpunta sa Pilipinas partikular sa Mindanao dahil sa mataas na banta ng terorismo. Sa pinakabagong travel warning, pinayuhan ng US ang mga kababayan nito na maglalakbay sa Pilipinas na mag-ingat na mabuti para sa kanilang kaligtasan. Inatasan din ang mga kawani ng US na kumuha ng special permission bago pumunta sa Mindanao at Sulu, kilalang balwarte ng Abu Sayyaf group. Pinayuhan din ng US ang kanilang mga opisyal na magtutungo sa Pilipinas na maging simple lang ang pagkilos, limitahan ang kanilang paglagi sa bansa at mag-ingat na mabuti. "US citizens contemplating travel to the Philippines should carefully consider the risks to their safety and security while in there, including those due to terrorism. While travelers may encounter such threats anywhere in the Philippines, the southern island of Mindanao and the Sulu Archipelago are of particular concern," ayon sa pahayag ng US State Department. "Travelers should exercise extreme caution in both central and western Mindanao as well as in the Sulu archipelago," idinagdag sa advisory. Ang pinakahuling travel warning na ipinalabas ng US sa pagpunta sa Pilipinas ay noong Abril 27, 2007. - Fidel Jimenez, GMANews.TV