ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OFW sa Italy, mauudlot ang pag-uwi sa Pinas sa Kapaskuhan dahil sa banta ng Omicron variant


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mauudlot ang pag-uwi sa bansa ng ilang Pilipinong nagtatrabaho sa Italy matapos itong mapabilang sa red list o high-risk countries dahil sa banta ng COVID-19 Omicron variant.

Sa ulat ni Corinne Catibayan sa Unang Balita nitong Martes, nakatakda na sanang umuwi ng Pilipinas nitong Disyembre 3 ang OFW na si Ralph Fallago na excited nang makita ang kanyang pamilya.

Plano sana ni Fallago na sorpresahin ang pamilya ngayong Kapaskuhan, pero tila siya pa ang nasorpresa dahil mauudlot ang kaniyang pag-uwi.

"It's been going to eight months na hindi ko sila nakikita. Siyempre nami-miss ko 'yung family ko and talagang mahirap 'yung maging malayo sa pamilya," sabi ni Fallago.

Nobyembre 28 nang mapabilang ang Italy sa listahan ng red countries o "high risk" for COVID-19, kung saan hindi pinapayagang pumasok sa Pilipinas ang isang indibidwal kahit bakunado na upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Dahil dito, stranded si Fallago sa barkong pinagtatrabahuhan niya hanggang ma-lift ang travel restrictions. Nakahanda na ang kaniyang round trip ticket at nakaimpake na rin.

"Talagang nagulat ako kasi hindi ko in-expect na mapapasama ang Italy. Kaya lang dahil sa nangyaring 'yon, inisip ko na rin agad na okay, mae-extend ako dahil napasama sa red list ang Italy. Wala akong magagawa kundi tanggapin na lang," anang OFW.

Isa ang Italy sa mga bansang may kaso ng Omicron variant. Sinabi ng National Health Institute (NHI) na galing ang pasyente sa Mozambique.

Bukod dito, kasama rin sa red list ang Austria, Czech Republic, Hungary, the Netherlands, Switzerland, at Belgium.

Tatagal ang travel restrictions hanggang Disyembre 15.

Isa sa mga pinag-aaralan ng gobyerno ang pagsasabay sa mga OFW kapag nakakuha ng repatriation flight ang iba pang bansa na may mga stranded din na mamamayan.

Sabi ni DFA Undersecretary Sarah Lou Arriola na nagbibigay na ng tulong ang post ng ahensiya sa South Africa sa mga Pilipinong stranded doon habang hinihintay ng gobyerno ang oportunidad na mapauwi sila mula sa naturang bansa.

"I'm hoping na talagang at least makauwi before Christmas or kung hindi man talaga kakayanin, at least before New Year. I do understand din naman 'yung situation, for the safety naman ng buong bansa every time you are thinking of them, kumusta na 'yung pamilya mo, and of course being part of your family talagang malaking sakripisyo ang kailangan nating gawin," sabi ni Fallago.—Jamil Santos/AOL, GMA News