Lalaking namaril sa checkpoint sa Laguna, napatay ng mga awtoridad
Patay ang isang lalaki na namaril umano sa isang checkpoint matapos siyang gantihan ng putok ng mga pulis at sundalo sa Santa Maria, Laguna.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Huwebes, inilahad ng pulisya na bago ang insidente, kinausap ng suspek ang isang pulis sa checkpoint para hanapin ang kutsilyo na kinuha umano sa kaniya.
Pero dahil kilala sa lugar ang lalaki na may problema sa pag-iisip, pinaalis siya ng pulis.
Dito na bumunot ng baril ang suspek saka itinutok at ipinutok sa pulis. Hindi tinamaan ang pulis, pero tinamaan ang isang sundalo.
Dahil dito, napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at sundalo.
Kinumpirma ng mga kamag-anak ng lalaki na may problema ito sa pag-iisip at plano na sana nila itong dalhin sa mental hospital.
Dinala na sa morge ang bangkay ng suspek samantalang nagpapagaling sa ospital ang nabaril na sundalo.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung saan nakuha ng suspek ang baril.—Jamil Santos/AOL, GMA News