Mahigit 500 residente ng Calamba, Laguna dinapuan ng typhoid fever
Mahigit 500 residente sa 18 barangay sa Calamba City sa Laguna ang nakaratay sa mga pagamutan dahil sa sakit na typhoid fever, ayon sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes. Sinabi sa ulat na pinakamatinding naapektuhan ang barangay Pansol at Bucal. Batay sa listahan ng Philippine National Red Cross, 504 pasyente ang ginagamot ngayon sa siyam na ospital batay sa pinakahuling bilang nitong Linggo. Nagsimula umanong isugod sa mga pagamutan ang mga pasyente noong Pebrero 16, at nadoble ang bilang ng mga ito noong nakaraang linggo. "Sa ganitong karaming cases, sa tingin po namin mukhang water ang pinagmulan (ng sakit)," ayon kay Dr. Chari Juangco ng JP Rizal Memorial Medical Center. Sa nasabing pagamutan, 157 pasyente ang nakaratay dito kahit na may 50 kama lamang ang pagamutan. Dahil dito, ilan sa mga pasyente ang kailangang maglatag ng higaan sa sahig. Sinabi ni Juangco na kinakapos na rin sila ng gamot at medical supplies. 'Yung IV (intravenous) lines po namin talagang nauubusan po kami, 'yung swero, IV fluid, 'yung ibang medications po namin medyo nagkakaubusan," sabi niya. Nagsasagawa na rin ang Department of Health-Region 4 ng pagsusuri sa tubig mula sa Calamba Water District. Samantala, sinabi ni Dr. Eric Tayag, pinuno ng DOH-National Epidemiology Center, na nagpadala na sila ng grupo patungo sa Calamba upang tingnan ang sitwasyon ng mga pasyente at alamin ang pinagmulan ng karamdaman. âParating na ang mga bagong gamot. Titingnan natin kung ano ang gagawin para hindi ganun kadami ang naoospital," ayon kay Tayag. Sinabi ni Tayag na batay sa nakalap na impormasyon ng DOH sa Calamba City Health Office, umabot sa 1,262 residente ng Calamba ang nagkasakit ng typhoid fever mula nitong Enero 2008. Sa nasabing bilang, 752 pasyente ang galing sa barangay Singko (5), Lecheria, Halang, Bucal, Pansol at La Mesa. Idinagdag ni Tayag na 27 sa mga pasyente ay positibo sa bacteria na salmonella typhi na nagdudulot ng typhoid fever habang 200 iba ang inoobserbahan sa mga pagamutan. Wala pa namang iniulat na namatay sa nasabing sakit ngunit sinabi ni Tayag na mapanganib ito dahil maaari itong makaapekto sa utak. - Fidel Jimenez, GMANews.TV