Lumapit at nagpatulong sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" noong nakaraang taon ang mga mangingisdang binansagan noon na "Big 15" ng Malabon. Nagkaproblema kasi ang kani-kanilang ari na kanilang pinalaki sa pamamagitan ng pagtuturok ng petroleum jelly. Ano nga ba ang nangyari sa kanila ngayon?

Sa nakaraang episode ng "KMJS," sinabing naghanap ang programa ng makatutulong sa mga mangingisda na nais nang maisaayos at maipagamot ang kanilang mga ari.

Makaraan kasing lumaki ang kanilang mga ari nang turukan nila ng petroleum jelly, nakaranas na ang mga mangingisda ng problema. Mayroong naimpeksyon at nahirapan sa pag-ihi, may masakit ang ari kapag naiipit ng pantalon, may nagsugat, at kung ano-ano pa.

Maging ang kanilang mga partner sa buhay, hindi na rin masaya kapag nagsisiping sila. Kaya naman humingi na sila ng tulong noon sa programa upang makahanap ng duktor na mag-oopera sa kanilang mga ari.

Gayunman, ayon sa programa, sa 15 kalalakihan na lumapit noon sa "KMJS," apat lang ang tumuloy at umurong ang 11. At sa apat na tumuloy, tatlo pa lang ang naoperahan dahil malala ang sugat ng isa at kailangan munang pagalingin.

At matapos isailalim sa pagsusuri at monitoring kung kakayanin ng tatlo ang operasyon, natuloy na rin ang kanilang kahilingan na maremedyuhan ang kalagayan ng kanilang mga ari.

Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS" ang resulta ng isinagawang corrective surgery sa kanila. Panoorin. --FRJ, GMA News