Nabundol at nagulungan ng isang sports utility vehicle (SUV) ang isang 63-anyos na street sweeper sa Parañaque. Ang suspek, hindi tumigil.

Sa ulat ni Jamie Santos "24 Oras Weekend," makikita sa CCTV footage ang biktimang si Doreen Bacus, habang nagwawalis sa gilid ng kalsada sa panulukan ng Elizarde at Aguirre Avenue sa Barangay BF Homes.

Makikita rin ang pagdating ng SUV na minamaneho ni Raymond Sapirain, at dire-diretsong nahagip ang biktima at nagulungan.

Naiwang nakahandusay sa gilid ng daan ang biktima habang hindi naman tumigil ang SUV.

Ayon sa pulisya, naharang ng mga security guard ng subdibisyon ang driver at dinala sa pulisya.

Sinabi naman ni Miles, Bacus, na nananatili pa sa ospital ang kaniyang ina para isailalim sa mga pagsusuri.

May bali umano sa kamay at natanggal ang tenga ng kaniyang ina.

Tumanggi naman ang driver na magbigay ng pahayag. Pero sabi ng imbestigador, handa itong tumulong sa imbestigasyon at sa biktima.

Nahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting to serious physical injury.--FRJ, GMA News