Isang bangkay ng lalaking guro na may mga saksak sa katawan ang natagpuan sa ilog ng Binmaley, Pangasinan. May nakita ring malaking bato sa loob ng kaniyang damit.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Mark Lacreba, 39-anyos, tubong- Bolinao, Pangasinan.

Nakita ang kaniyang mga labi sa Barangay Linoc. May tali rin sa ulo, katawan at paa ng biktima, at may malaking bato sa loob ng kaniyang damit, batay sa imbestigasyon ng pulisya.

May person on interest na raw ang mga awtoridad na pinaniniwalaang nasa likod ng krimen.

"Ina-acetain natin na siya talaga based on circumstances na nire-reveal ng mga testigo kasi, based on circumstantial evidence, wala direct testimony na sinasabi na nakita talaga yung tao na yun, yung person on interest, na siya talaga yung sumaksak," ayon kay Police Leiutenant Colonel Lodovico Ellazar Jr., hepe ng Binmaley Police Station.

Nanawagan naman ang ina ng biktima na sumuko na ang salarin.

"Panagutan niya ang ginawa niya sa anak ko. Hindi makatarungan ang ginawa niya. Sobrang sakit sa amin. Hindi ko maatim, kung puwede lang sobra- sobra pa ang sakit na binigay niya, sobra-sobra rin ng sakit ang gagawin namin sa kaniya," naghihinanakit na pahayag ng ginang.--FRJ, GMA Integrated News