ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Cory Aquino may colon cancer; mga anak humihiling ng dasal


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA - May colon cancer si dating Pangulong Corazon Aquino, ayon sa kanyang anak na si Kris Aquino nitong Lunes. Sa isang press conference sa Quezon City, umapela ang mga anak ng dating pangulo na ipagdasal ang kanilang ina matapos makumpirma sa mga pagsusuri na positibo itong may colon cancer. Ayon kay Kris, nagpasya ang kanyang ina na magpatingin sa duktor matapos makaranas ng high blood pressure, paghirap sa paghinga at pagbaba ng timbang simula noong makaramdam ng pagkahilo matapos ang Christmas Eve mass sa kanilang tahanan. "Our mother had suffered from an episode of high blood pressure and difficulty in breathing followed by fever during the week in between Christmas and New Year. Since that time, we became concerned because of her consistent cough, loss of appetite and noticeable weight loss," paliwanag ni Kris. "Our mom wanted to know what was wrong with her, and with her family by her side, she submitted herself to a check-up and several tests. The results showed that our mother is suffering cancer of the colon," sabi ng nakababatang Aquino. Ayon pa kay Kris, ang bunsong anak ng dating pangulo, ang kanyang ina ang nagdesisyon na magbigay ng opisyal na pahayag tungkol sa kalagayan ng kanyang kalusugan. "Desisyon po ng nanay namin na mag-release kami ng statement, para maunawaan ng lahat ang kanyang kasalukuyang kalagayan. Nakikiusap po kami na sana maintindihan ninyo na kailangan ng aming ina, kagaya ng lahat ng pasyenteng nagpapagaling, ng panahon ng katahimikan," pakiusap ni Kris na halos hindi mapigilang mapaiyak habang binabasa ang pahayag sa harap ng mga mamamahayag. Habang nagpapagaling ang kanyang ina, nanawagan si Kris sa publiko at sa media na bigyan ng privacy ang kanyang ina. "It's a very difficult time for our family, most especially for our mother. We respectfully ask that she be accorded her privacy," sabi niya. "Our mom remains a believer in the power of prayer. We ask for your compassion and for your prayers for our mother's recovery." Dinala sa Medical City sa Pasig si Gng Aquino noong bisperas ng nakaraang Pasko dahil sa mataas na lagnat na naging sanhi ng trangkaso. Si Gng Aquino, asawa ng pinaslang na si dating Senador Benigno “Ninoy" Aquino Jr., ay pangunahing kritiko ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, na nahaharap sa mga alegasyon ng katiwalian. Aktibo ang dating pangulo sa mga pagtitipon tulad ng mga “mass for truth" para kay Senate witness Rodolfo Noel Lozada Jr na nagbunyag tungkol sa kinanselang kontrata ng pamahalaan sa Zhong Xing Telecommunications Equipment (ZTE) Corp. ng China. - Fidel Jimenez, GMANews.TV