Filtered By: Topstories
News

Lalaki sa QC, patay matapos pagbabarilin ng dalawang salarin


Patay ang isang hindi  pa nakikilalang biktimang lalaki sa pamamaril ng dalawang salarin sa Quezon City.

Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles na walong tama sa iba't ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng biktima na agad niyang ikinamatay sa may IBP Road ng lungsod.

Nangyari ang krimen dakong alas-diyes nitong Martes ng gabi. Walang pagkakakilanlan na nakuha ang mga awtoridad sa biktima, na tinatayang nasa 40 hanggang 45-anyos, ayon sa ulat.

Kwento ng ilang mga nakatambay sa lugar, nagulat na lang sila nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril.

Matapos ang pamamaril, ayon sa mga nakasaksi, sumakay na sa isang L-300 van ang dalawang salarin, na ang isa ay nakasuot pa umano ng bonnet.

Pahayag ni Police Maj. Kenneth Leaño, deputy commander ng Batasan Police Station, may dalawang suspek batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis.

"Batay sa salaysay ng isa ang mga nakasaksi, sumakay sa isang puting L-300 van na walang plaka ang mga salarin," dagdag ni Leaño.

Nakakuha ng apat na basyo ng bala ang mga tauhan SOCO sa crime scene. Inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa pamamaril. Susuriin din ng mga pulis ang cellphone na nakuha sa tabi ng bangkay ng biktima. —LBG, GMA Integrated News.