ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Presyo ng tinapay, pasta, iba pang may harina, tataas muli


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Sa kabila ng pagtaas ng halaga ng bigas at produktong petrolyo, dapat maghanda ang publiko sa panibagong pagtaas ng presyo ng tinapay at iba pang pagkain na may sangkap na harina sa susunod na linggo. Inihayag ni Simplicio Umali Jr, pangulo ng Philippine Baking Industry Group, nitong Huwebes na kailangan na nilang ipasa sa mamimili ang dagdag na gastusin bunga ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga inaangkat na harina. "Ginawa na namin ang lahat na makakayanin namin (para pigilin ang pagtaas ng presyo). Nagtipid kami sa operating cost para mas mababa ang presyo. Pero nagtaas ang presyo ng harina ngayon," paliwanag ni Umali sa panayam ng dzBB radio. Simula sa Abril 15, sinabi ni Umali na magtataas ang presyo ng pandesal ng P1 hanggang P1.50 bawat piraso. Kasalukuyang nagkakahalaga ng P2.50 ang isang piraso ng katamtamang laki ng pandesal. Samantala, ang loaf bread ay posibleng tumaas ng mula P47.50 hanggang P55 simula sa Martes. Maging ang presyo ng noodles at pasta na may sangkap din ng harina ay maaaring tumaas, ayon kay Umali. "Apektado pati pasta, pancit dahil ang raw material niyan harina. Tataas na rin ang noodles, gawa rin ng harina," paliwanag niya. Ayon kay Umali ang presyo ng harina na P990 bawat sako nitong Abril ay tumaas ng pitong porsyento kumpara noong nakaraang buwan. Simula Enero ng 2008, umakyat ng 18 porsyento ang presyo ng harina na galing sa ibang bansa. Ang nararanasang tagtuyot sa mga bansang pinanggagalingan ng harina tulad ng Australia ang pinapaniwalaang dahilan kaya bumaba ang supply ng produkto. Sa isang taon pa inaasahang bababa ang presyo ng harina. Nanawagan naman si Chito Chavez, vice president ng Philippine Federation of Bakers, kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na gumawa ng hakbang upang matiyak na may sapat na suplay ng harina sa Pilipinas hanggang matapos ang Mayo upang hindi na magkaroon ng panibang price increase sa produkto. Iminungkahi ni Chavez na makipag-ugnayan ang Pilipinas sa China upang makaangkat ng harina sa bansang ito na pinagmumulan ng pinakamurang harina sa mundo. Ngunit sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules ng gabi, inamin ni Trade Secretary Peter Favila na tinanggihan ng kanyang counterpart sa China ang kahilingan ng Pilipinas na umangkat ng harina sa kanilang bansa. “Sumulat na ako mismo sa aking counterpart sa Minister ng China ngunit nakakalungkot na hindi tayo napagbigayan dahil malaki rin ang pangangailangan nila sa harina," ayon kay Favila. - Fidel Jimenez, GMANews.TV