Nakaparadang kotse sa Caloocan, binasag ang bintana at ninakawan
Binasagan ng bintana at ninakawan ang isang kotseng nakaparada sa Caloocan. Tumakas ang mga salarin na riding-in-tandem.
Ayon sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend, nakaparada ang kotse sa harap ng commercial establishment sa Barangay 67, kung saan nagpapamasahe ang may-ari ng sasakyan at ang kanyang partner.
Makikita sa CCTV ang paglapit ng isang lalaki. Binasag niya ang bintana, pinasok ang kotse, at tinangay ang mga bag na iniwan sa loob.
Ayon sa may-ari ng sasakyan, posibleng spark plug ang ginamit ng salarin bara basagin ang bintana.
Makikita rin sa CCTV na dumaan ang isang babaeng customer ng convenience store. Ayon sa tauhan ng commercial building, binantaan ng suspek ang babae kung magsasalita siya. Pero bumalik pa rin ang babae sa building at sinumbong ang pagnanakaw.
"In the middle of our massage, bigla na lang kaming tinawag ng mga tao ng establishment na may nambasag daw ng sasakyan namin," ani ng may-ari ng kotse. "Pagka-check namin, basag na po yung bintana namin sa left side ng sasakyan."
Hindi kita sa CCTV pero may kasabwat pa umano ang lalaki na nagmaneho ng motor nilang patakas.
Ayon sa biktima, ang halaga ng mga gamit sa dalawang bag na tinangay ng riding-in-tandem ay hindi bababa sa P5,000. — BM, GMA Integrated News