ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, sinibak sa DPWH


Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, sinibak sa DPWH

Sinibak sina dating Bulacan first district assistant engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza sa Department of Public Works and Highways, ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon nitong Biyernes.

"Sina Alcantara, Hernandez, Mendoza dismissed na po sila sa DPWH. ‘Yung mga iba naman po, sinimulan na po ‘yung process ng dismissal nila sa DPWH," sabi ni Dizon sa panayam sa kaniya sa Unang Balita.

Nauna nang inanunsyo ni Dizon ang pagtanggal sa dating first district engineer ng Bulacan na si Henry Alcantara sa DPWH.

Sa parehong panayam, marami pang contractor ang na-blacklist mula sa DPWH dahil sa mga maanomalyang flood control project, sabi ni Dizon.

"Na-blacklist na po itong mga contractor na ito," Dizon said.

Tinutukoy ng DPWH chief ang mga contractor na pinangalanan sa reklamong graft na inihain ng departamento sa Office of the Ombudsman nitong Huwebes, kabilang ang:

  • St. Timothy Construction Corporation
  • SYMS Construction Trading
  • Wawao Builders
  • IM Construction Corporation
Nanawagan si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control project. Ilang ahensya ng gobyerno, kabilang ang Senado at Kamara, ang naglunsad ng kani-kanilang imbestigasyon.

Napag-alamang ghost project ang ilang flood control project.

Independent Commission for Infrastructure

Noong Huwebes, naglabas si Marcos ng executive order na bumubuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Isinaad sa Executive Order No. 94 na kinakailangang bumuo ng isang independiyenteng katawan na mag-iimbestiga at magsasagawa ng mga naaayong hakbang laban sa mga sangkot sa mga iregularidad sa mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan.

Ang ICI ay bubuuin ng isang tagapangulo at dalawang miyembro na napatunayang may kakayahan, integridad, katapatan, at pagiging independiyente.

Ayon sa EO, ang katawan, batay sa reklamo o motu propio ay dapat magsagawa ng pagdinig, mag-imbestiga, tumanggap, mangalap, at magsuri ng mga ebidensya, intelligence reports at impormasyon, laban sa lahat ng opisyal at empleyado ng gobyerno, at iba pang indibiduwal, na sangkot sa mga anomalya, iregularidad, at maling paggamit ng mga pondo sa pagpaplano, pagpopondo, at pagpapatupad ng flood control ng pamahalaan at iba pang mga proyektong pang-imprastraktura sa buong bansa.

BIbigyang-priyoridad ng ICI ang pagsisiyasat ng flood control at iba pang mga proyektong pang-imprastraktura sa loob ng huling sampung taon mula sa bisa ng EO.

Ang ICI, batay sa mga natuklasan nito, ay dapat magrekomenda ng pagsasampa ng naaangkop na kriminal, sibil, at administratibong mga kaso o aksyon laban sa mga responsable, sa mga  naaangkop na disiplina, prosecutorial, at administratibong kinatawan, kagaya ng Opisina ng Pangulo, Office of the Ombudsman, the Department of Justice, and the Civil Service Commission upang siguruhin ang pananagutan, alinsunod sa mga nauugnay na batas, tuntunin at regulasyon. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News