VP Sara Duterte, naghain ng reklamong perjury laban kay Ramil Madriaga
Naghain si Bise Presidente Sara Duterte nitong Miyerkoles ng reklamong perjury laban kay Ramil Madriaga, ang kaniyang dating aide na nagsabing pinondohan noon ng drug dealers at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang kaniyang kampanya.
“Dahil dito, ngayong araw ay naghain ako ng kasong perjury laban kay Ramil Madriaga upang tuluyang mapanagot siya sa kaniyang mga kasinungalingan,” sabi ni Duterte sa isang pahayag.
“Hindi maaaring hayaang gamitin ang mga imbentong kuwento upang linlangin ang publiko,” dagdag pa niya.
Inihain ni Duterte ang reklamo sa Taguig City Prosecutor’s Office.
Sa ulat ni Manny Vargas sa Super Radyo dzBB, sinabing sinamahan si Duterte ng kaniyang legal counsel na si Paolo Panelo Jr.
Matatandaang sinabi ni Madriaga noong Disyembre 2025 na pinondohan ng mga drug dealer at POGO operations ang Inday Sara Duterte is My President (ISIP) Pilipinas national campaign at iba pang kagayang grupo.
Isinama ang kaniyang mga alegasyon sa impeachment complaint laban kay Duterte.
Inihayag din ni Madriaga ang kagustuhan niyang tumestigo.
Sa kaniya namang parte, itinanggi ni Duterte ang pagkakaroon ng personal na relasyon kay Madriaga, at sinabing kumikilos ito para kontrahin ang mga posible niyang plano na tumakbo bilang presidente. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News