Pahayag ni Sara Duterte na may kinausap siyang papatay kina Marcos. FL Liza, at Romualdez, seryosong banta -- NBI agent
Itinuturing ng testigo ng prosekusyon na seryosong banta ang naging pahayag noon ni Vice President Sara Duterte na may kinausap siyang tao na papatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez kapag may masamang nangyari sa kaniya.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial kay Duterte nitong Miyerkoles, bumalik sa witness stand si NBI Senior Agent John Mark Calilung, na nagsiyasat tungkol sa sinasabing pagbabanta ni Duterte sa nabanggit ng mga opisyal.
Ipinaliwanag ni Calilung na may mga isinasaalang-alang ang mga awtoridad upang matukoy kung ang isang pahayag ay maituturing na seryosong banta. Kabilang dito ang kakayahan ng taong nagbitiw ng banta na maisakatuparan ito.
"If it's an active threat, if the one giving the threat is capable of carrying it out, meaning the person has the capability or authority to implement such a threat, then it should be considered a threat that merits appropriate measures," tugon ni Calilung sa tanong ni Senator-judge Joel Villanueva.
"Another factor is how the threat was delivered. As I mentioned earlier, the statement itself emphasized 'no joke, no joke,' indicating that it was a serious threat," patungkol sa NBI agent sa pahayag pa rin ni Duterte sa nagbiral na live video niya noong Nobyembre 2024.
Sa naturang online conference ni Duterte na nag-viral, sinabi ni Duterte na: "Huwag kang mag-alala, Ma'am sa security ko, kasi may kinausap na ako na tao. Sabi ko sa kaniya, kapag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez."
Dagdag ni Duterte: "No joke, no joke. Nagbilin na ako, Ma'am. 'Pag mamatay ako, sabi ko, huwag ka tumigil ha, hanggang hindi mo mapatay sila. And then he said yes."
Nagsilbing lead investigator si Calilung, Senior Agent ng Cyber Investigation and Assessment Center (CIAC) ng NBI, kaugnay sa mga naturang pahayag ni Duterte noong Nobyembre 2024.
Bilang pangunahing imbestigador sa kaso, inatasan siyang mangalap, ipreserba, at patunayan na totoo ang mga digital evidence, kabilang ang pagtiyak sa integridad ng mga video recording ng livestream na press conference ni Duterte sa pamamagitan ng digital forensic procedures.
Nagbigay ng testimonya si Calilung kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment, na nag-aakusa sa Bise Presidente ng may nagawang kasalanan sa paglabag sa Konstitusyon, mabibigat na krimen, at pagtataksil sa tiwala ng publiko dahil umano sa pagkontrata ng taong papatay sa Pangulo at sa mga miyembro ng kanyang pamilya, gayundin sa umano'y pag-uudyok ng sedisyon laban sa gobyerno.
Sa cross-examination, iginiit ng abogado ng depensa na si Carlo Joaquin Narvasa, na dapat isaalang-alang ang konteksto ng mga naging pahayag ni Duterte. Ayon sa kanya, ginawa ng Bise Presidente ang mga kontrobersyal na pahayag habang nakakulong sa Kamara de Representanetes Kapulungan ang kaniyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez.
Nang sandaling iyon, nakatakdang ilipat si Lopez sa Correctional Institution for Women mula sa Kamara makaraang i-contempt siya ng House Committee on Good Government and Public Accountability.— FRJ, GMA News