ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Subsidiya ng pamahalaan sa Pinoy lawakan pa - Nograles


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

MANILA – Iminungkahi ni Speaker Prospero Nograles nitong Sabado na lawakan ang nakikinabang sa ibinibigay na subsidiya ng pamahalaan mula sa nalilikom na kita ng expanded value added tax upang maisama ang mga middle-income earners at hindi lamang ang mga mahihirap. Nais ni Nograles na ilaan ang kinitang P4-bilyon mula sa eVAT sa nakalipas na apat na buwan para tulungan ang 9.4 milyong pamilya na kumokonsumo ng 500 KWh ng kuryente, mga public transport utilities at gumagamit ng Liquefied Petroleum Gas (LPG). Batay umano sa ulat ng Congressional Planning and Budget Department (CPBD) ng House of Representatives, nakalikom ang Department of Finance ng P4 bilyon mula sa eVAT ng petrolyo mula Enero hanggang Abril 2008. Ayon kay Nograles ang P2 bilyon nito ay maaaring gamiting subsidiya sa mga tahanan na kumukonsumo ng kuryente na hindi bababa sa 500 KWh. Samantala, ang nalalabing P2-bilyon ay maaari umanong gamitin bilang subsidiya sa mga kumukonsumo ng gasolina tulad ng public utility vehicles (PUVs) – kasama na ang bus, jeep at taxi – maging ang mga gumagamit ng LPG sa tahanan. Inilahad ni Nograles ang dalawang paraan kung papaano ipatutupad ang programa. “First, diesel fuel will get a subsidy of 40 centavos a liter and LPG will get a subsidy of 75 centavos a liter for four months. Available estimates indicate that nationwide diesel consumption is about 8.2 billion liters while LPG consumption is about 3.4 billion kilograms every three months," ayon sa Speaker. "Second, subsidy of diesel for public utility vehicles will be 70 centavos a liter for the first 30 liters for jeepneys, first 120 liters for buses, and first 30 liters for taxis. The subsidy for LPG is P1 per kilogram," idinagdag niya. Nitong Martes, inilunsad ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang P2-bilyong electricity subsidy program na tinawag nitong "Katas ng VAT: Pantawid Kuryente." Magkakalooban ang pamahalaan ng P500 ang mga tahanan na kumukonsumo ng kuyente na hindi hihigit sa 100 KWh o tinatawag na “lifeline" consumer. Maglalaan din si Arroyo ng subsidiya sa mga magsasaka kung saan P1,500 ang ibibigay sa kanila upang ipambili ng abono sa kanilang sakahan. Iginiit naman ni Senate President Manny Villar na dapat isama sa mga bibigyan ng ayuda ng pamahalaan ang mga mangingisda na dumadaing din sa mataas na presyo ng krudo na ginagamit sa makina ng mga bangka. Nais din ng senador na maging transparent ang paggamit ng pondo upang matiyak na mapupunta sa mga mamamayan ang pera at hindi sa bulsa ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan. – Fidel Jimenez, GMANews.TV