ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bangkay ng 13-anyos na bata na nawala matapos maligo sa Baseco Beach, natagpuan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Bangkay ng 13-anyos na bata na nawala matapos maligo sa Baseco Beach, natagpuan

Bangkay ng 13-anyos na batang nawala matapos maligo sa Baseco Beach noong Sabado, August 15, 2026, natagpuan sa Navotas landfill nitong linggo ng gabi.

"Mel...alam ko, nandyan ka lang sa tabi ko, kasi nararamdaman ko lagi mo ko sinusundan... sorry.. ang bata mo pa, hindi na kita makikita sa paglaki mo," sabi ni Roselyn, ang ina ng bata.

Labis ang paghihinagpis ng ni Roselyn para sa kanyang anak na si Rhomel.

Si Rhomel ang 13 anyos na batang nawala matapos maligo sa Baseco Beach sa Maynila noong nakaraang linggo.

Makalipas ang pitong araw na paghahanap, isang bangkay ang natagpuan ng mga awtoridad sa Navotas landfill na boundary na ng Obando, Bulacan.

Ayon kay Roselyn, agas silang kinontak ng mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para ipa-verify kung ito na ba ang nawawalang si Rhomel.

"Pagtingin ko sa picture... pagtingin ko talaga ... kahit hindi ko na makita yung mukha niya, sabi ko, sir, anak ko po yan.Positive po anak ko, ramdam na ramdam ko anak ko sir," sabi niya.

Bagamat masakit ang nangyari, tila gumaan daw kahit papaano ang pakiramdam nila dahilt nakita na ang katawan ng kanilang anak.

"Parang yung tusok sa dibdib mo nawala ng konti," ayon kay Roselyn.

"Ngayon napatunayan ko na na wala na siya hindi yung nanghuhula ako kung buhay ba o patay na," dagdag niya.

"Sana bigyan mo 'ko ng lakas na matanggap ko lahat, hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala, tinatapangan ko lang Mel, bigyan mo ko ng lakas Mel," sabi ni Roselyn.

Kahapon, naihatid na sa kanyang huling hantungan si Rhomel.

Sinagot na raw ng Manila LGU ang gastos para sa pagpapalibing sa biktima.

Nagbigay din umano sila ng tulong pinansyal para sa pamilya ni Rhomel.

Matatandaan na August 15 nang mawala si Rhomel matapos siyang lumangoy sa Baseco Beach kasama ang isang kaibigan.

Nakaligtas ito pero si Rhomel, inanod daw ng malalakas na alon dahil na rin sa habagat.

Ilang tauhan ng Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at MDRRMO ang nagtulong tulong noon para hanapin si Rhomel. Pero hindi rin nila mahanap ang biktima dahil sa lakas ng daloy ng tubig.

Una namang sinabi ng mga awtoridad na bawal talagang maligo sa Baseco Beach. — BAP, GMA News