ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

Pulis, binaril at napatay ang kaniyang misis na guro sa loob ng paaralan sa Thailand


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Binaril at napatay ng isang pulis ang kaniyang misis na kindergarten teacher sa loob ng isang paaralan sa Thailand nitong Miyerkules. Ayon sa mga opisyal, ligtas ang lahat ng mga estudyante ng biktima.

Matapos ang pamamaril, bumalik sa kanilang bahay ang suspek sa lalawigan ng Chonburi, na nasa timog-silangan ng Bangkok, at nagkaroon ng negosasyon para hikayatin siyang sumuko.

Ang krimen ang pinakabagong insidente ng pamamaril na yumanig sa Thailand, isang buwan matapos barilin at mapatay ng isang binatilyo ang kaniyang lolo at lola, at pagkatapos ay namaril sa kaniyang paaralan na ikinasawi ng limang staff at isang estudyante.

Matapos ang pamamaril, nagbaril sa sarili ang binatilyo.

Isa ang Thailand sa mga bansang may pinakamataas na bilang ng mga nagmamay-ari ng baril sa rehiyon. Hindi napigilan ng mga naunang pangako sa paghihigpit sa mga batas sa pagmamay-ari ng baril ang paulit-ulit na insidente ng pamamaril.

Sinabi sa Agence France-Presse (AFP) ni Sayan Klomaon, chairman ng Nong Pla Lai sub-district council, na dumating ang suspek sa paaralan dakong 10:30 ng umaga at kinausap nito ang kaniyang asawa bago niya binaril.

Wala umanong estudyanteng nakakita sa insidente dahil nangyari ito sa labas ng classroom. Matapos nito, umalis ang suspek at umuwi sa kanilang bahay.

Sa isang pahayag sa Facebook, kinumpirma ni Chonburi Governor Naris Niramaiwong, na ligtas na nailikas ang lahat ng 44 na bata kasama ang tatlong guro at tatlong iba pang staff.

Sinabi niya na pinalibutan ng mga pulis ang bahay na kinaroroonan ng suspek at nagkaroon ng negosasyon para sa kaniyang pagsuko.

Hindi pa malinaw sa ngayon kung bakit pinatay ng pulis ang kaniyang asawa.

Iniutos ni Naris na isara muna ang kindergarten at bigyan ng psychological support ang mga bata at staff na nakasaksi sa insidente.

Noong 2022, isang dating pulis na armado ng baril at kutsilyo ang pumasok sa isang nursery sa hilagang Thailand at pinatay ang 24 na bata at 12 matatanda. Isa ito sa mga pinakamadugong masaker sa kasaysayan ng bansa. — ulat mula sa Agence France-Presse/FRJ, GMA News