Tindera, binuhusan ng bleach at sabon ang mga panindang isda nang sitahin sa pagtitinda sa bangketa
Binuhusan ng bleach at sabong panlaba ng isang tindera ang mga paninda niyang isda matapos siyang sitahin dahil sa pagbebenta sa bangketa, na ipinagbabawal sa Basista Pangasinan.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Balitanghali nitong Martes, sinabing ipinagbabawal ang pagtitinda sa mga bangketa, batay sa ordinansa sa lugar.
Nakiusap ang tindera na huwag nang kumpiskahin ang kaniyang mga paninda at pagmultahin na lang.
Gayunman, hindi pinagbigyan ng mga awtoridad doon ang tindera, kaya sinira niya na lamang ang mga ito para hindi na mapakinabangan ng iba.
Ayon naman sa Basista Fish Vendors Association, sang-ayon sila sa pagkumpiska na ginawa ng mga awtoridad para patas sa mga umuupa ng puwesto sa palengke. — Jamil Santos/RSJ GMA News