ADVERTISEMENT
Filtered By: Balitambayan
News

2 lalaki, patay nang sumalpok ang kanilang motorsiklo sa nakaparadang trailer truck sa Rizal


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Duguan at wala nang buhay nang datnan ang dalawang lalaki matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa nakaparadang trailer truck sa gilid ng daan sa Antipolo, Rizal.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing nakita ang mga biktima sa bahagi ng Sumulong Highway sa Barangay Mayamot, pasado 1:00 a.m.

Sinabi ng mga awtoridad na mabilis ang takbo ng motorsiklo ng mga biktima nang mangyari ang insidente. Natanggal ang manibela nito at magkawasak-wasak ang ilan pang bahagi ng sasakyan.

Nagkabasag-basag din ang helmet ng mga biktima, at nasawi sa mismong pinangyarihan ng insidente.

Sinabi ng pulisya na galing Maynila ang trailer truck na nagde-deliver sa isang warehouse sa Antipolo City.

Lumabas sa imbestigasyon na nagbaba lang ng mga kargang pintuan ang mga pahinante ng truck nang maganap ang aksidente.

Dalawang lalaki rin ang nadamay at nagtamo ng mga bali sa katawan at binti. Dinala sila sa ospital.

“Sobrang lakas ma’am ng lagabog talaga. Akala ko po kasi may bumagsak lang na pinto. Ngayon, pagkaharap ko po, nakita ko na lang po sila boss na tumalsik. Tapos ‘yung pagkatalsik ni boss, tumama isa doon sa kasama namin,” sabi ni Michael Ruiz, tauhan sa warehouse.

Ngayon ‘yung bigat ni boss, ang sinalo ng kasama namin, kaya nabalian din po ‘yung kasama namin,” sabi pa ni Ruiz.

“Bali po 'yung paa ng kasama namin. Tapos po si boss, dalawang paa, bali rin po. Tapos 'yung ribs po, parang may tama rin po siya. Malambot po 'yung ‘pag hinawakan,” sabi ni Ruiz.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. – Jamil Santos/FRJ, GMA News

Tags: accident