Lalaki, nilooban ang kaniyang kapitbahay sa Quezon City
Nahuli-cam ang ginawang panloloob ng isang 35-anyos na lalaki sa kaniyang kapitbahay sa Novaliches, Quezon City. Umabot sa P19,000 na halaga ng mga gamit ang kaniyang nakulimbat.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV camera ang lalaki habang umaakyat sa ikalawang palapag ng bahay sa Barangay Bagbag dakong 3:00 a.m. nitong Martes.
Tila may hinahanap ang lalaki, at may pagkakatao na napatingin siya sa CCTV camera. Hindi na nahagip sa CCTV ang mga sumunod na tagpo matapos putulin ng lalaki ang koneksiyon nito.
Sinabi ng pulisya na natutulog noon ang may-ari ng bahay, na natuklasan ang pagnanakaw kinaumagahan.
“Pagkagising niya ng bandang 10 ng umaga, nalaman ng biktima na nanakawan sila. Nagduda kasi dahil bukas ang gate. Nag-check sa bahay nila ng kanilang mga gamit nila. So nalaman niya na nawawala ang set ng CCTV nila. Nag-check din sa ibang part ng bahay nila. Nalaman niya rin na nawawala na ang pair of shoes niya tsaka pair of shoes ng ate niya,” sabi ni Police Major Jonathan Reyes, Commander ng Novaliches Police Deputy Station.
Natangay ng suspek ang mahigit sa P19,000 na halaga ng mga gamit, bago siya nadakip sa follow-up operation ng pulisya.
Nakilala siya ng biktima kahit na nakasuot siya ng face mask nang gawin ang pagnanakaw.
“Ang suspek natin ay kapitbahay mismo ng biktima. Nakilala po ng biktima ang suspek dahil sa mga tattoo sa dalawang kamay,” sabi ni Reyes.
Umamin ang suspek sa nagawang krimen pero hindi na nabawi ang mga ninakaw na gamit dahil naibenta na.
"Ginawa ko po iyon… Para lang po may pambili ng gatas ng anak ko… Sa mga tropa ko rin po, sa kapatid ko (dinala ang mga ninakaw). Sana mapatawad po nila ako. Hindi na mauulit iyon,” anang suspek.
Batay sa record ng pulisya, dati nang nabilanggo ang suspek dahil sa mga kasong pagnanakaw, ilegal na droga, at illegal possession of firearms.
Sinampahan naman ngayon ang suspek ng reklamong theft. – Jamil Santos/FRJ, GMA News