Sanggol na namatay noong 1965, kabilang sa mga 'kapangalan' ng tumanggap ng confi funds ni VP Sara Duterte, batay sa PSA records
Ang ilan sa mga tumanggap umano ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) ay kapangalan ng mga taong namatay na—kabilang ang isang sanggol— batay sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), at maging ang iba pang pangalan.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte nitong Lunes, samalang sa witness stand sa Senate impeachment court si PSA Assistant National Statistician Marizza Grande.
Ayon kay Grande, ang pinakabatang lumagda umano sa mga acknowledgment receipt ay isang Marlin Sunga, na kapangalan ng isang sanggol na namatay na noong Nobyembre 1965.
“Based po kasi sa death certificate po niya, two months pa lang ay namatay na po siya,” saad ni Grande.
Dagdag niya, lumilitaw na 61 taon nang patay si Sunga noong 2023 nang mangyari ang bayaran sa confidential funds.
Samantala, ipinakita rin ni private prosecutor Mae Divinagracia ang mga acknowledgment receipt nina Fortunato Salig na nagkakahalaga ng P200,000, Emilio Sagan na P70,000, at Rodolfo Traya na P120,000, na lahat ay may petsang 2023.
Sinabi ni Grande na may mga death certificate sa PSA na tumutugma sa mga pangalan nina Salig, Sagan, at Traya, na may petsang Hunyo 2011, Hulyo 2015, at Mayo 2021, ayon sa pagkakasunod.
Dahil dito, pitong taon na umanong patay si Sagan noong 2022, at 11 taon naman nang wala si Salig.
Inihayag din ni Grande, 34 na lumagda sa mga acknowledgment receipt ang may single-match entries sa talaan ng PSA.
Ayon pa kay Grande, mayroong 20 menor de edad sa listahan ng OVP, at lima naman sa listahan ng DepEd, batay sa mga kapangalan na nakalista sa mga birth certificate.
Ipinakita ni Divinagracia ang acknowledgment receipt nina Miko Alquizar at Beatrice Cuenca na parehong nagkakahalaga ng P400,000.
Ayon kay Grande, kapwa ipinanganak sina Alquizar at Cuenca noong 2022.
Nang tanungin ni Divinagracia kung ilan taon ang mga ito noong 2022 nang tumanggap ng confidential funds, tugon ni Grande, “Isang taon po.”
Ipinakita rin ni Divinagracia ang acknowledgment receipt ng isang Mikay Delos Reyes na nagkakahalaga ng P200,000 at may petsang 2023.
Ayon sa saksi, ipinanganak si Delos Reyes noong Enero 2020, kaya lalabas na tatlong taong gulang siya noong 2023.
HINDI PA NAPAPATUNAYAN
Samantala, sinabi ni Senate Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na hindi pa napapatunayang ang mga indibidwal na namatay ay siya ring mga taong nakalista sa mga resibo.
“Hindi ba dapat ang sinasabi mo mayroong Rodolfo Traya na namatay. Dahil hindi mo naman alam kung siya talaga ‘yon. Pero base sa talaan niyo, may ganoong pangalan na namatay, pinanganak o kinasal. Pero hindi ninyo alam kung siya din ‘yun o hindi,” anang senador.
Sumang-ayon naman si Grande, at sinabing batay ito sa death certificate, “may Rodolfo Traya na namatay.”
Samantala, inihayag din ni Grande na “unusual” ang mga sumusunod na pangalan sa listahan ng mga payee ng Office of the Vice President (OVP) na:
- Arthur Baon
- Beverly Claire Pampano
- Mathew N. Keso
- Charles Sampaloc Jr.
- Maxine Callos
“Ako po ay nag-verify some of the names listed, which I find unusual doon sa mga certifications,” ani Grande.
Ayon kay Grande sa ginawang reverification sa mga pangalan gamit ang Civil Registry System database, walang lumabas na “Arthur Baon” o kopya may ganitong pangalan sa birth, marriage, o death certificate
Ganoon din para kina Beverly Claire Pampano, Mathew N. Keso, Charles Sampaloc Jr., at Maxine Callos.
Sa paglalahad ng testimonya ng Grande, sinabi ni Divinagracia na sinusubukan ng prosekusyon na patunayan na ang confidential funds ay na-liquidate, “in the names of the non-existent, the long dead, and children.”
“Ang mga pangalang ito ang nasa recipient list at acknowledgement receipts ng OVP at DepEd sa 2022 at 2023—mga taong ayon sa talaan ng PSA ay walang record ng pag-iral, matagal nang patay, o mga bata noon,” giit niya.—FRJ, GMA News