Para sa "My Guardian Alien" actor na si Christian Antolin, mas mabuti pa rin na magkaroon ng diploma at hindi lang basta madiskarte.

"Iba pa rin ‘yung may tinapos ka,” sabi ni Christian sa latest episode ng “Updated with Nelson Canlas.”

“Kasi ‘pag may diploma ka, puwede kang mapunta kahit saan and puwede kang dumiskarte kahit may diploma,” paliwanag pa niya.

Ginawa ang tanong dahil sa mainit na diskusyon ng netizens kung ano sa dalawa (diploma o diskarte) ang mahalaga.

“Ang diskarte kasi, let's say wala kang diploma tapos dumidiskarte ka lang, ang hirap no’n kasi minsan may mga trabaho na nagre-require ng ganitong specific skills,” paliwanag ni Christian na isa ring content creator.

Ayon pa kay Christian, may mga trabaho o proyekto na limitado.

“I would suggest na mag-aral muna tayo,” saad niya. “Siguro gawin lang natin 'yung ‘pag gusto mong maging content creator, gawin mo lang siya on the side.”

Ginagampanan ni Christian sa “My Guardian Alien" ang isa sa mga manggagawa sa pamilya ng mga karakter nina Marian Rivera at Gabby Concepcion.

Kasama rin dito sina Max Collins, Gabby Eigenmann, Kiray Celis, Marissa Delgado, Arnold Teves, Caitlyn Stave, at Josh Ford. — FRJ, GMA Integrated News