Arestado ang tatlong Pinoy na empleyado ng cruise line matapos umanong mahulihan ng mga malalaswang larawan at video ng mga menor de edad sa Florida, USA.

Isinagawa ang pagdakip sa tatlo matapos ang imbestigasyon ng US Department of Homeland Security Investigations Task Force at United States Custom and Boarder Protection.

Nadiskubre umano sa mga cellphone ng dalawang suspek ang mga malalaswalang larawan at video ng mga menor de edad na edad siyam hanggang 14.

Ipinaliwanag ng isa sa mga suspek na nakuha lang niya ang file folder ng mga larawan sa social media pero hindi umano niya alam ang laman nito.

Nakuha naman sa isa pang Pinoy ang mga malalaswang larawan at video ng mga menor de edad na nasa edad 12 hanggang 14.

Kasama sa nakita sa cellphone ng suspek ang video ng sexual activity ng isang bata at isang matanda.

Inamin ng suspek na ibinahagi pa niya ang maseselang materyal sa kaniyang mga kaibigan at kasintahan.

May nakita ring sex video ng isang bata sa gadget ng isa pang suspek.

Sinampahan ng kasong possession and transportation of child pornography ang tatlo.

Isa lang sa kanila ang pinayagan ng korte na makapagpiyansa sa halagang $20,000 habang isinasagawa ang paglilitis. -- FRJ, GMA Integrated News