Kinasuhan na ng Philippine National Police (PNP) ang inarestong hepe ng Bocaue Police Station sa Bulacan dahil umano sa pagtangay at paggamit sa mga sasakyang nakukumpiska mula sa mga pinaghihinalaang drug personalities.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing kinasuhan si Superintendent Jowen dela Cruz ng robbery-extortion, carnapping, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Matatandaang inaresto si dela Cruz noong Sabado sa isinagawang entrapment operation sa kaniyang opisina ng PNP Counter-Intelligence Task Force (CITF), Highway Patrol Group at PNP-Intelligence Group.

Ayon sa mga awtoridad, nanghihingi umano si dela Cruz ng mga modelong cellphone sa mga inaaresto nilang drug suspect para ibalik sa kanila ang mga nakuha nilang sasakyan.

Pati isang motorsiklo at isang itim na sasakyan, ginagamit din daw ni Dela Cruz na kanilang kinumpiska kahit hindi nangyari sa ilalim ng drug operation.

Hindi umano isinasama ni Dela Cruz sa imbentaryo ang mga nakukumpiskang sasakyan, at ginagamit pa ang mga ito sa kaniyang mga opisyal at personal na lakad.

Umamin din ang kaniyang mga tauhan sa kaniyang ginagawa.

"Dati pa po 'yan, simula nang maging hepe po siya rito," sabi ng isang pulis-Bocaue.

Ngunit nanindigan ang hepe na wala siyang ginawang krimen.

"Wala pong katotohanan lahat 'yan na binibintang nila, sinasabi nila sa akin," anang suspek.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Counter-Intelligence Task Force ng PNP si dela Cruz para sa iba pang imbestigasyon.

"Our internal cleansing program will not spare anyone who will break our rules and put the organization to shame," sabi ni Dir. Gen. Oscar Albayalde, hepe ng PNP.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News