Filtered By: Topstories
News

Urno ng Pilipinang natagpuang patay sa America, nawawala


Ninakaw mula sa Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque ang urnong naglalaman ng abo ng isang investment banker na natagpuang patay sa loob ng isang maleta sa New York noong 2004.

Sa ulat ni Vicky Morales sa "24 Oras" nitong Martes, nadiskubreng nawawala ang urno ni Maria "Pipie" Cruz sa musuleyo ng pamilya nitong Lunes.

Abot-abot ang pagdadalamhati ng 86 na taong gulang na si Rodolfo Cruz nang madiskubreng ninakaw ang urno na naglalaman ng abo ng kanyang anak.

Sa pagkawala ngayon ng mga abo ni Pipie, mistulang naulit ang bangungot na pinagdaanan ng pamilya Cruz halos 15 taon na ang nakararaan.

Si Pipie ang financial analyst sa New York na nawala noon 2003.  Natagpuan siyang patay makalipas ng isang taon, nakasilid sa maleta na ibinaon sa garahe ng isang bahay.

Namatay si Pipie dahil sa anesthesia overdose nang sumailalim sa procedure sa kamay ng isang pekeng doktor na si Dean Faiello.

Isang buwan matapos matagpuan ang labi ni Pipie, nadakip ang pekeng doktor na nagtago sa isang resort sa Costa Rica para takasan ang krimen.

Nahatulang guilty si Faiello ng korte taong 2006.

Sa America pina-cremate ang labi ni Pipie at iniuwi ang kanyang abo na nakalagay sa isang gold-plated na urno.

Ayon sa pamilya, ito marahil ang nakaakit sa mata ng magnanakaw. Nitong Lunes lang nadiskubre na nawawala ang urno, pero posibleng noong Sabado pa raw nanakaw ito. Sabintana daw ng musoleo dumaan ang magnanakaw.

Ayon sa kapatid ni Pipie na si Tess Cruz-Lara ang urno ay may itim na krus at may pangalan na "Maria Cruz" ngunit walang mga petsa.

Ninakaw rin ang urno ng nanay ni Pipie, ngunit nailipat na ang laman nito bago pa nangyari ang krimen.

Naalerto na ang pamunuan ng Manila Memorial Park na nangakong sisikaping mahanap ang nawawalang urno.

Nanawagan ang 86-anyos na ama ni Pipie sa kumuha sa urno na ibalik kahit ang abo man lang ng kanyang anak.

"Kung sino man 'yung taong kumuha sa anak ko ay ibalik lang, no question asked, magpapasalamat pa ako sayo at luluhod sa 'yo ng pasasalamat maibalik mo lang 'yung anak ko," ayon sa tatay na naging emosyonal. — Margaret Claire Layug/BAP, GMA News