Filtered By: Topstories
News

Biopiracy: Paano inaangkin ng dayuhan ang likas na yaman, katutubong kaalaman ng Pilipinas


Simula pa noong dekada '70, biktima na ang Pilipinas ng tinatawag na biopiracy, o ang pagkuha ng mga hayop, halaman at kaalaman sa isang bansa para pagkakitaan nang walang binibigay sa kanilang karampatang kapalit o benepisyo. 
 
 
 
 
Sa espesyal na ulat sa "State of the Nation," idinetalye ni Raffy Tima kung paano ito nangyayari sa Pilipinas.
 
Isa sa mga unang napirata mula sa Pilipinas ang Zicotonide, isang non-addictive painkiller mula sa lason ng suso sa dagat na natuklasan ng dalawang Pilipinong siyentipiko noong dekada '70. Ayon kay Dr. Baldomero Olivera ng University of Utah, sinubukan niyang isalba ang kaalamang ito. 
 
Aniya, "I did send a letter to the Biotech Company at one point, that if it were developed into a drug, I would hope that they would donate some of the proceeds to the Philippines. Nothing ended up coming from it."
 
Dagdag pa ni Dr. Lourdes Cruz, hindi talaga na-patent o naari ang nasabing painkiller. "Matagal din yung discovery. It took about 20 years, so kung (na-patent man noon), tapos na 'yung patent." 
 
Mula noong panahon ng pagkakatuklas, napakinabangan na ng iba't ibang bansa ang gamot at inari na rin ito ng Estados Unidos. 
 
Ayon sa Barcelona-based non-government organization na Genetic Resources Action International (GRAIN), isa lamang ang kaso nina Cruz at Olivera sa mga naitalang kaso ng biopiracy sa Pilipinas.
 
Katutubong kaalaman
 
Bukod sa mga natutuklasan ng ating mga siyentipiko, kabilang rin sa mga pinipirata mula sa bansa ang mga katutubong kaalaman at tradisyonal na gamot at pagkain. 
 
Ilan pa sa mga naitala ng GRAIN na insidente ng biopiracy sa Pilipinas ang isang antibiotic na nabuo mula sa lupa ng Iloilo, sa soil microbes, na inari ng Estados Unidos; isang pabango na gawa sa ilang-ilang, o Cananga Odorata, na inangkin naman ng France; isang anti-diabetic na gamot mula sa Banaba, o Lagerstroemiasp, at ang pagkaing nata de coco, na parehas nang pinirata ng Estados Unidos at Japan. Bukod sa pag-angkin ng pagmamayari ng mga ito, pinagkakakitaan rin ng mga dayuhan ang ating likas na yaman.
 
Aminado naman ang Biodiversity Management Bureau (BMB) ng Department of Environment and Natural Resources na hindi nila nababatanyan ng maayos ang mga likas na yaman ng bansa. Giit ni Theresa Mundita Lim, direktor ng BMB, "Sa dami din ng resources natin, hindi naman pwedeng kami lang ang magbabantay nito."
 
Isa naman sa nakikitang problema ni Caezar Arceo, Senior Science Reseach specialist ng  Department of Science and Technology - National Research Council of the Philippines (DOST-NCRP), ang kawalan ng proper audit ng biological materials sa bansa. Dagdag pa rito, wala ring sapat na ngipin ang batas laban sa biopiracy, ayon sa BMB. Ang tanging saklaw lamang ng RA 9147 ang proteksyon ng wildlife resources ng bansa.
 
Kakulangan sa researchers
 
Nakalulungkot ding isipin na sa 100-230 researchers kada isang milyong Pilipino — napakababa kumpara sa 2000-6000 researcher kasa isang milyong tao sa mga mauunlad na bansa — ilan pa rito ang hindi nagbibigay ng karampatang halaga sa sarili nilang gawa.
 
Ayon kay Arceo, imbes na protektahan nila ang kanilang gawa, mas gugustuhin pa ng mga siyentipiko na ilathala ito sa mga journal. "Wala namang problema dun sa ngalan ng siyensya. Ang problema lang ay ang information na ito ay malamang gagamitin ng malalaking companies."
 
Sa kabila ng lumalaking problema ng biopiracy, mayroon pa ring nakikitang pag-asa para sa Pilipinas. Ayon kay Lim, malapit nang pumirma ang Pilipinas sa Nagoya Protocol ng UN Convention on Biological Diversity. Nagbibigay ito ng karampatang access sa likas na yaman ng mga bansa, kasabay ng patas na paghahati-hati ng benepisyo sa paggamit ng mga ito. "Kung gagamitin ng ibang bansa [ang ating resources] for profit, maibabalik sa atin kung ano dapat ang benefits na mapunta sa communities at sa bansa," giit ni Lim.
 
Sinisimulan na rin ng gobyerno ang paglilista ng mga taglay na likas na yaman at katutubong kaalaman ng bansa. Paliwanag ni Atty. Ricardo Blancaflor, Director-General ng Intellectual Property Office of the Philippines, kinakailangan nang sumangguni ng ibang bansa sa listahang ito bago makinabang sa mga yaman ng Pilipinas. "Once maregistrate tayo diyan, [parang sinasabi na natin sa buong mundo na], 'Sandali lang. Bago kayo mag-process, tignan niyo muna at baka (dito galing yan) sa Pilipinas." — Bianca Rose Dabu/JST, GMA News
Tags: biopiracy