Filtered By: Topstories
News

Feb.12,1981: 'Pata massacre' na mahigit 100 sundalo ang namatay


Mapait na alaala sa puwersa ng militar ang iniwan ng binansagang "Pata massacre" na naganap sa lalawigan ng Sulu noong 1981 kung saan 119 sundalo ang nasawi sa kamay ng armadong grupo na inakala nilang kakampi.

Pebrero 9, 1981 nang magtungo ang mga sundalo na Pata Island sa Jolo, Sulu para berepikahin ang impormasyon na may mga armadong rebelde sa barangay Pata Likud. Kabilang sa mga pinulong ng mga sundalo ang mga lokal na lider, pati na si Kumander Unad Masillam, ang lider ng Civilian Home Defense Force (CHDF).

Matapos ang ilang araw na pananatili sa isla, paalis na ang natitirang puwersa ng mga sundalo ng Philippine Army’s 31st Infantry Battalion noong Pebrero 12, 1981, nang maganap ang malagim na trahediya.

Nakahanay na umano ang mga sundalo para sa pag-alis nang paputukan sila ng nakapalibot na tauhan ni Unad. Ilan sa mga biktima ay nagtamo umano ng mga taga sa katawan at may mga sinunog pa.

Tumakas si Unad na kinalaunan ay naging kasapi ng noo'y rebeldeng grupo na Moro National Liberation Front (MNLF).

Ang CHDF ay armadong puwersa ng sibilyan na katuwang ng pamahalaang Marcos sa pangangalaga ng katahimikan at seguridad. Nang maging pangulo ang namayapang si Cory Aquino, nagpalabas ito ng Executive Order No. 275 noong 1987, na nag-uutos na buwagin ang mga paramilitary unit, kabilang na ang CHDF, dahil sa mga ulat ng pang-aabuso. -- FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia